MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga ulat ng pagkakaaresto ng mga menor de edad at pagkakasugat ng ilang demonstrador sa kasagsagan ng 49th ASEAN Summit sa Metro Manila.
Sa opisyal na pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 18, sinabi ng CHR na nakapagtala ito ng 11 inaresto sa Maynila, kabilang ang isang menor de edad, habang mahigit 200 katao naman ang dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City matapos ang protesta sa Muntinlupa noong Nobyembre 15.
Batay sa paunang monitoring ng komisyon, kabilang din ang ilang menor de edad sa mga dinala sa Camp Bagong Diwa.
Nakita mismo ng mga tauhan ng CHR ang ilang detainee na may nakikitang pinsala, gayundin ang problema sa siksikan at bentilasyon sa pansamantalang detention area.
Iniimbestigahan din ng komisyon ang mga alegasyon ng hindi makataong pagtrato at umano’y paghihigpit sa pagpasok ng pagkaing inilaan para sa mga nakadetine.
Ikinabahala rin ng CHR ang unang pagtanggi ng mga awtoridad na papasukin ang kanilang mga abogado at imbestigador sa Camp Bagong Diwa noong Nobyembre 15.
Ayon sa komisyon, ilang oras muna ang lumipas bago pinayagang makapasok ang kanilang mga tauhan noong gabing iyon.
Binigyang-diin ng CHR na dapat igalang ang karapatan sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon, habang kailangang tiyakin ng mga awtoridad ang makataong pagtrato sa mga taong nasa kustodiya ng pulisya.
Samantala, itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang mga alegasyon ng police brutality at iginiit na tungkulin nitong panatilihin ang kaayusan at ipatupad ang batas.
Patuloy na kumukuha ng mga rekord ng pulisya, medical records at salaysay ang CHR upang matukoy kung may naganap na paglabag sa karapatang pantao.
Sa hiwalay na development nitong Miyerkules ng gabi, iniutos na ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office ang pagpapalaya sa mahigit 200 demonstrador na inaresto kaugnay ng ASEAN protests.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang kautusan na tuluyan nang naibasura ang lahat ng reklamong inihain laban sa kanila. Santi Celario