BATANGAS, Philippines – Arestado ang 11 Chinese nationals at isang Pilipino matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang hinihinalang scam hub sa Sitio Batulao, Barangay Kaylaway, madaling araw nitong Huwebes.
Natagpuan ang mga suspek sa loob ng isang tatlong palapag na townhouse bandang alas-4 ng umaga, ayon kay Calabarzon police director PBGen. Dominic Baccay.
Sinabi ni Baccay na iniimbestigahan pa ang establisimyento na umano’y ginagamit bilang scam hub na kahalintulad ng online Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.
Nasamsam sa operasyon ang 18 desktop computer, 18 laptop at anim na flash drive. Hihingi rin ang mga awtoridad ng cyber warrant upang masuri ang mga nakumpiskang electronic device.
Ayon kay Baccay, ilang araw na nagsagawa ng aerial surveillance ang mga pulis gamit ang drone matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa presensya ng mga Chinese national sa lugar. Nasa liblib na bahagi umano ang establisimyento at mahirap puntahan at inspeksyunin.
Nadiskubre rin na wala itong business permit. Wala ring mga kinakailangang dokumento ang mga Chinese national upang makapagtrabaho sa Pilipinas, kaya nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Bureau of Immigration.
Tatlong pasaporte lamang ang narekober, ngunit isa lang umano rito ang tumugma sa pagkakakilanlan ng isa sa 11 naarestong Chinese national.
Nasamsam din ang isang .45-caliber pistol mula sa Pilipinong suspek na umano’y nagsisilbing driver ng grupo.
Nahaharap ang mga Chinese national sa kasong paglabag sa Local Government Code, habang kakasuhan naman ang Pilipino sa ilalim ng Private Security Services Industry Act. RNT/MDS