Home NATIONWIDE Mendoza, muling pinamunuan BOC; reporma, anti-smuggling tinutukan

Mendoza, muling pinamunuan BOC; reporma, anti-smuggling tinutukan

1
0

MANILA, Philippines – Muling bumalik sa Bureau of Customs (BOC) si Commissioner Charlito Martin R. Mendoza upang pamunuan ang ahensya at ipagpatuloy, gayundin pabilisin, ang mga reporma sa koleksiyon ng buwis, digitalization at paglaban sa smuggling.

Pormal na nanungkulan si Mendoza bilang bagong BOC chief nitong Nobyembre 19, matapos ang isang taong panunungkulan bilang Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Itinalaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nanumpa sa tungkulin noong Nobyembre 13. Dati na rin siyang District Collector ng Port of Cebu at Undersecretary ng Revenue Operations Group ng Department of Finance (DOF).

Sa ceremonial turnover, pormal na ipinasa ni outgoing BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na bagong presidente at chief executive officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ang pamumuno sa ahensya kay Mendoza.

Sa kanyang unang talumpati, tiniyak ni Mendoza na hindi niya sisirain ang mga umiiral na programang epektibo, bagkus ay palalakasin at iaangkop ang mga ito sa pangangailangan ng Customs.

Kabilang sa kanyang prayoridad ang pagbabawas ng red tape, pagpapalawak ng digitalization, pagpapasimple ng proseso, pagpapahigpit ng enforcement, paglilinaw ng mga patakaran at pagpapaalis sa mga tiwaling tauhan.

Tinukoy rin ni Mendoza ang target na koleksiyon ng BOC na P1.074 trilyon sa 2027, kung saan paiigtingin ang koordinasyon sa mga District Collector upang matukoy ang mga problema sa operasyon at matiyak ang sapat na suporta para maabot ang kani-kanilang target.

Sa pagpapabilis ng kalakalan, plano rin niyang gawing mas mabilis at maayos ang cargo clearance, kabilang ang online tracking ng mga shipment, pagtukoy sa kulang na dokumento at pagresolba sa mga pagkaantala.

Ayon kay Mendoza, mahalagang mabawasan ang gastos ng mga importer sa storage at container charges na dulot ng matagal na paghihintay sa mga pantalan.

Hindi rin niya palalampasin ang mga produktong ilegal na ipinapasok sa bansa, partikular ang mga produktong agrikultural.

“Malinaw ang aking tagubilin: Higpitan natin ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa smuggling, lalong-lalo na sa iligal na pagpasok ng mga produktong agrikultural,” ani Mendoza.

Sa panahon niya bilang Cebu port collector, umabot sa P30.8 bilyon ang koleksiyon noong 2020, lampas sa target sa kabila ng pandemya. Naging unang collection district din ang Cebu na nakakuha ng ISO 9001:2015 certification para sa main port at lahat ng subport nito.

Sa kanyang panunungkulan sa BIR mula Nobyembre 2025 hanggang Nobyembre 2026, ipinatupad niya ang DARES reform agenda, tax audit reforms, digital transformation at mas pinaigting na kampanya laban sa tax evasion.

Si Mendoza ay abogado at licensed geodetic engineer na nagtapos sa ikatlong puwesto sa 2004 Bar Examinations. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here