MANILA, Philippines – Nagbabala ang United States Department of Agriculture (USDA) sa posibleng kakulangan ng suplay ng karne ng baboy sa Pilipinas sa unang quarter ng 2027 kasunod ng pagpapatupad ng pamahalaan ng 60-araw na paghihigpit sa pag-aangkat ng ilang pork products.
Ayon sa USDA, maaaring makatulong sa pansamantalang suplay ang mga shipment na naipadala na o naikarga bago matapos ang Nobyembre, na inaasahang darating mula huling bahagi ng Disyembre 2026 hanggang Enero 2027.
Gayunman, mas mararamdaman umano ang epekto ng restriksiyon mula huling bahagi ng Enero hanggang unang bahagi ng Marso 2027.
Ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang kautusan upang protektahan ang lokal na industriya ng baboy na nakaranas umano ng matinding pinsala dahil sa pagdami ng inaangkat na karne.
Saklaw ng 60-araw na quantitative restriction ang pag-aangkat ng sariwa at pinalamig na karne ng baboy, kabilang ang carcass, kalahating carcass, ham, balikat at mga hiwang may buto. Kabilang din dito ang mga lamang-loob na maaaring kainin, gaya ng atay.
Batay sa datos ng USDA, umabot sa average na 94,029 metric tons ang inangkat na mga produktong saklaw ng kautusan sa unang quarter ng 2025 at 2026. Posibleng mas mababa rito ang darating na imported pork sa unang quarter ng 2027.
Dahil dito, tinatayang kailangang pataasin ng Pilipinas nang hindi bababa sa 14 porsiyento ang lokal na produksyon ng karne ng baboy upang matugunan ang demand kung mananatiling pareho ang konsumo at imbentaryo kumpara noong unang quarter ng 2026.
Nauna nang iniulat ng DA na nasa 121,000 metric tons ang imbentaryo ng baboy noong Hulyo, kung saan 94 porsiyento ay imported products.
Ayon din sa ahensiya, umabot na sa P27.9 bilyon ang nawalang kita ng mga lokal na magbababoy sa unang pitong buwan ng taon dahil sa pag-aangkat ng karne. RNT/MDS