Home METRO Cargo vessel na may kargang higit 1,800 toneladang soya, sumadsad sa Leyte

Cargo vessel na may kargang higit 1,800 toneladang soya, sumadsad sa Leyte

1
0

LEYTE, Philippines – Sumadsad ang isang cargo vessel na may kargang mahigit 1,800 metric tons ng soya sa karagatan malapit sa Tood Islet sa Matalom nitong Miyerkules, Nobyembre 18.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), patungong Cagayan de Oro City mula Lapu-Lapu City, Cebu, ang MV GY Antares na pinatatakbo ng GY Shipping Lines Inc. nang sumadsad ito.

Batay sa paunang ulat, posibleng nakadagdag sa insidente ang malakas na agos ng tubig mula kanluran at low tide habang minamaniobra ng barko upang magbigay-daan sa isa pang sasakyang-pandagat at mga bangkang pangisda.

Agad nagpadala ng search and rescue personnel, marine environmental protection team at Special Operations Unit ang Coast Guard Station Southern Leyte upang suriin ang sitwasyon at tumulong sa barko.

Nasa mabuting kondisyon ang lahat ng 19 na tripulanteng Pilipino, kabilang ang kapitan na si Capt. Wilson Dolar.

Sa paunang inspeksiyon, walang nakitang pinsala sa katawan ng barko, pagpasok ng tubig-dagat o senyales ng tagas at pagtagas ng langis.

Gayunman, nakaantabay ang oil spill response equipment ng PCG dahil may kargang humigit-kumulang 18,169 litro ng diesel, 194 litro ng lubricating oil at 216 litro ng hydraulic oil ang barko.

Iniulat na bahagyang umusog nang tatlong metro ang barko mula sa orihinal nitong kinalalagyan nang tumaas ang tubig. Balak ng kapitan na subukang maialis ito sa pagkakasadsad sa susunod na high tide habang minomonitor at tinutulungan ng Coast Guard ang operasyon.

Magsasagawa rin ang PCG ng masusing inspeksiyon sa katawan ng barko kapag naialis na ito at ng imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here