MANILA, Philippines – Hinamon ng mga lider ng Kamara de Representantes ang kampo ni Vice President Sara Duterte na maglabas ng ebidensiya sa alegasyong may planong kanselahin ang 2028 national elections.
Mariing itinanggi ni House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez nitong Huwebes, Nobyembre 19, na may pinag-uusapang panukala ang liderato ng Kamara para ipagpaliban ang halalan o palawigin ang termino ng mga kasalukuyang opisyal.
“Walang ganitong plano o panukalang isinusulong ang liderato ng Kamara,” pahayag ni Hernandez.
Iginiit ng mambabatas na dapat tukuyin kung sino ang naghain ng naturang panukala at kung saan nagmula ang impormasyon.
Binigyang-diin din niya na iginagalang ng liderato ng Kamara ang Konstitusyon at karapatan ng mga Pilipinong pumili ng kanilang mga lider sa 2028.
Samantala, hinamon din ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ang mga nagpapakalat ng alegasyon na magpakita ng konkretong patunay.
“Sino ang mga kongresistang sangkot? Nasaan ang panukala? Nasaan ang dokumento? Hindi puwedeng basta magbato ng seryosong paratang na walang malinaw na batayan at hayaang mag-alala ang sambayanang Pilipino,” ani Ortega.
Itinanggi rin ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairperson Rep. Zia Alonto Adiong na may nagaganap na pag-uusap sa Kamara tungkol sa pagkansela ng halalan.
Nauna rito, sinabi ni Atty. Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na nakatanggap umano ng impormasyon ang Bise Presidente hinggil sa mga pag-uusap sa Kamara tungkol sa tinatawag na “no-election” o “no-el” scenario sa 2028.
Gayunman, wala pang naipapakitang dokumento o iba pang ebidensiya sa mga nasuring ulat na nagpapatunay sa naturang alegasyon. RNT