BULACAN, Philippines – Patay ang tatlong magkakaibigang sakay ng motorsiklo matapos mabangga at magulungan ng 22-wheeler cement tanker sa M. Valte Road, Barangay Camachile, Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Mahigit 10 kilometro pang nakaladkad ng trak ang motorsiklo at mga biktima bago ito naharang ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Major Jayson Viola, hepe ng Doña Remedios Trinidad Municipal Police Station, agad silang rumesponde matapos makatanggap ng tawag tungkol sa insidente.
Sa tulong ng JBM Patrol System at mga opisyal ng barangay sa karatig-bayan, naharang ang trak.
Lumitaw sa imbestigasyon na patungo sana sa San Ildefonso ang cement tanker upang magkarga ng semento nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa pulisya, sinabi ng 48-anyos na drayber na natakot at nataranta siya matapos ang banggaan kaya hindi agad huminto.
Sinabi rin ni Viola na accident-prone ang lugar dahil sa kurbadang kalsada at mga bahaging paakyat at pababa. Posible umanong human error ang naging dahilan ng aksidente.
Kabilang sa mga nasawi ang 20-anyos na si Adrian Maderable, na lumabas upang kumain kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Labis namang nagdadalamhati ang pamilya ng binata, na inilarawang mabait at mahilig sa basketball.
Samantala, humingi ng tawad ang drayber sa mga pamilya ng biktima.
“Ako po ay humingi na lang po ng pasensiya. Hindi ko po sinasadya, aksidente po talaga sir,” ani ng drayber.
Kasalukuyang nakapiit ang drayber sa Doña Remedios Trinidad Municipal Police Station at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.
Nasa kustodiya rin ng pulisya ang motorsiklo at cement tanker na sangkot sa insidente. Mary Anne Sapico