Home NATIONWIDE Green card ng Pinoy nurses sa US, posibleng mas tumagal proseso

Green card ng Pinoy nurses sa US, posibleng mas tumagal proseso

1
0

MANILA, Philippines – Posibleng humaba ang proseso ng pagkuha ng green card ng mga Filipino nurse at physical therapist sa Estados Unidos sa ilalim ng panukalang pagbabago sa mga patakaran sa pagkuha ng mga dayuhang manggagawa.

Batay sa panukalang inilabas ng US Department of Labor, nais nitong alisin ang tinatawag na Schedule A exemption sa Permanent Labor Certification Program o PERM, na nagpapahintulot sa mga employer na kumuha ng foreign nurses at physical therapists nang hindi na dumaraan sa karaniwang labor recruitment process.

Kapag naaprubahan, kakailanganin munang patunayan ng mga employer na nagsagawa sila ng sapat na recruitment upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong manggagawang Amerikano bago kumuha ng mga dayuhan.

Kabilang dito ang mas malawak na pag-aanunsiyo ng mga bakanteng trabaho at pagdodokumento ng recruitment efforts bago makakuha ng labor certification at makapaghain ng immigrant petition.

Dahil dito, posibleng mas tumagal at maging mas magastos ang proseso ng pagkuha ng green card para sa mga Pilipinong nais magtrabaho at permanenteng manirahan sa Amerika.

Ayon kay immigration attorney Arvin Amatorio, alkalde ng Bergenfield, New Jersey, maaaring makaapekto ang pag-aalis sa Schedule A sa mga ospital at nursing home na nahihirapan nang makahanap ng sapat na healthcare workers.

Babala niya, posibleng mas matagalan ang pagkuha ng mga kinakailangang nurse at physical therapist, lalo na sa mga komunidad na kulang sa serbisyong pangkalusugan.

Gayunman, nilinaw ni Amatorio na maaari pa ring mag-aplay ang mga Pilipinong healthcare worker para sa green card sa pamamagitan ng kanilang employer.

Posible lamang umanong mabawasan ang mga employer na handang mag-sponsor dahil sa karagdagang gastos at mas mahabang proseso.

Ayon sa US Department of Labor, layunin ng panukala na bigyang-prayoridad ang mga kuwalipikadong manggagawang Amerikano at maprotektahan ang kanilang sahod at oportunidad sa trabaho.

Bukas ang pagtanggap ng mga pampublikong komento tungkol sa panukala hanggang Enero 19, 2027.

Hindi pa pinal ang naturang pagbabago at nananatiling umiiral ang Schedule A exemption para sa mga kwalipikadong nurse at physical therapist. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here