Home NATIONWIDE Testigo ng depensa ni VP Sara, kinuwestiyon sa report na ‘di naman...

Testigo ng depensa ni VP Sara, kinuwestiyon sa report na ‘di naman nabasa

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng ilang senator-judge ang testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos nitong amining hindi niya nabasa ang forensic financial report tungkol sa umano’y P817 milyong unexplained wealth ng Bise Presidente.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Huwebes, Nobyembre 19, sinita nina Senators Joel Villanueva, Raffy Tulfo at Bam Aquino ang testimonya ni Atty. Rainer Dela Fuente, dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Iniharap ng defense counsel na si Atty. Mark Vinluan si Dela Fuente upang talakayin ang mga prinsipyo ng anti-money laundering at financial investigations kaugnay ng ulat ni prosecution witness Alexander Cabrera.

Gayunman, lumabas sa pagtatanong na hindi nabigyan ng depensa si Dela Fuente ng kopya ng forensic report na kaniyang pinupuna.

“If he is to refute the report then he should have seen the report,” giit ni Villanueva.

Kinumpirma naman ni Vinluan na hindi nila ibinigay sa testigo ang naturang dokumento, dahil ayaw umano nilang magkaroon ng naunang komunikasyon na maaaring makaapekto sa testimonya nito.

Kinuwestiyon din ni Tulfo kung paano makapagbibigay ng opinyon ang testigo tungkol sa mga natuklasan ng prosekusyon kung hindi nito nasuri ang mga ebidensiya.

Samantala, tinanong ni Aquino si Dela Fuente kung naipakita sa kaniya ang mga bank at financial records na ipinakuha ng impeachment court.

“None,” sagot ng testigo.

Sa pagtatanong naman ni Senator Risa Hontiveros, ipinaliwanag ni Dela Fuente na ang kaniyang tungkulin ay suriin kung naaayon sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) ang mga pamamaraang ginamit sa financial investigation.

Iginiit niyang hindi kinakailangang basahin ang buong report upang matukoy kung ang isang pamamaraan ay naaayon sa mga probisyon ng batas.

Nauna nang iniharap ng prosekusyon ang forensic report ni Cabrera na nagsasabing may hindi bababa sa P817 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman si Duterte.

Gayunman, nananatiling alegasyon ang naturang halaga at bahagi pa rin ito ng mga usaping sinusuri sa nagpapatuloy na impeachment trial.

Wala pang pinal na pasya ang Senate impeachment court tungkol sa bigat ng testimonya ni Dela Fuente o sa mga alegasyong nakapaloob sa financial report. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here