MANILA, Philippines – Ibinasura ng Taguig City Prosecutor’s Office ang mga reklamong inihain ng pulisya laban sa tatlong estudyanteng inaresto sa kilos-protesta kontra pagbisita ni US President Donald Trump at sa Pax Silica initiative.
Batay sa resolusyon ng prosekusyon nitong Huwebes, Nobyembre 19, walang sapat na ebidensiya upang maisampa sa korte ang mga reklamong may kaugnayan sa pag-aresto sa mga estudyante malapit sa University of Makati noong Nobyembre 13.
Kabilang sa mga reklamong ibinasura ang alarm and scandal sa ilalim ng Article 155, resistance and disobedience sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act.
Ayon sa prosekusyon, walang prima facie evidence with reasonable certainty of conviction laban sa tatlong estudyante.
Nakita rin sa mga ebidensiya na ang kanilang pagkilos ay naglalayong ipahayag ang mga hinaing sa mga usaping pampulitika at panlipunan, sa halip na sadyang magdulot ng kaguluhan sa publiko.
Lumahok ang mga estudyante sa lightning rally bilang pagtutol sa pagbisita ni Trump sa Pilipinas para sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Tinutulan din nila ang Pax Silica initiative, na ayon sa mga nagprotesta ay maaaring magdulot ng pagpapalayas o pagkawala ng kabuhayan ng mga katutubong komunidad at magsasaka sa Central Luzon.
Samantala, nauna nang sinabi ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kabilang sa agenda ng pagbisita ni Trump ang paglagda sa Pax Silica initiative.
Ang resolusyon ng Taguig City Prosecutor’s Office ay may kaugnayan sa tatlong estudyanteng inaresto noong Nobyembre 13 at hiwalay sa kaso ng mahigit 200 demonstrador na inaresto sa Muntinlupa noong Nobyembre 15. Dave Medina