HABANG mabilis na lumalapit ang presidential elections sa 2028, nagkakagulo na ang mga gustong kumandidatong Pangulo at itinutulak na maging kandidato.
Kabilang sa mga gustong kumandidato at nagdeklara na ngang tumakbo si Vice President Sara Duterte at sinasabing naghahanda na rin si Senator Risa Hontiveros.
Mayroon ding nagsusulong kay Davao City Mayor Baste Duterte sakaling masibak si VP Sara sa kaso nitong impeachment.
Ito namang si ex-Vice President Leni Robredo, pinipilit ng mga dilawan na kumandidato siya kahit na malinaw nang nagsasabing mas gusto nitong manatiling Naga City, Camarines Sur mayor.
Dahil tahimik ang 1987 Constitution kung pupwedeng kandidatong Vice President ang nakaupong Presidente, may nagtutulak kay Pres. Bongbong Marcos na tatakbong Vice President at buo ang karapatan nitong mag-endorso ng kandidatong Pangulo.
Kung titingnan ang nangyari kina ex-President Gloria Macapagal-Arroyo at Erap Estrada, makaraan silang umupong Pangulo, kumandidato sila sa mas mababang posisyon gaya ng kongresman (kay Arroyo) at mayor (sa Manila kay Estrada), sinasabing pupwede ngang maging VP si Bongbong at kalaunan, maging Pangulo na naman kung mag-resign, mamatay, madiskwalipika o mapatalsik sa pwesto sa anomang paraan ang Pangulo niya.
May nagtutulak din kay Senator Raffy Tulfo ngunit nagsabi itong mas gusto niyang manatiling senador.
May iba pang gustong kumandidato o kaya’y ikakandidato ng iba at sa katunayan, marami ang mga aplikante sa Commission on Elections ang pinapayagang kumandidato.
Sa ngayon, marami ang ayaw lumutang na kakandidato dahil tila guguho sila lahat kay VP Sara, kahit pagsama-samahin pa sila, batay sa resulta ng sari-saring sarbey.
Ngunit kung masibak siya sa impeachment na kakambal ng diskwalipikasyon niya sa anomang pwesto sa gobyerno sa halalan man o appointment, tiyak, maglalabo-labo ang mga politiko sa pagkandidato.
‘Yan ay kung magkakaroon ng eleksyong 2028.






