Home OPINION SINGAPORE PINABILIB NI YORME; PABAHAY SA MAYNILA, GINAWANG INSPIRASYON SA ASEAN

SINGAPORE PINABILIB NI YORME; PABAHAY SA MAYNILA, GINAWANG INSPIRASYON SA ASEAN

2
0

HINDI lang basta proyektong pabahay ang ipinagmamalaki ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kundi maituturing na isa rin itong modelo ng serbisyo publiko na maging mga lider mula sa Singapore ay humanga at nais pang tularan.

Sa katunayan, ginawaran ng papuri ni Central Singapore District Mayor Denise Phua ang in-city vertical housing program ni Isko, na tinawag niyang visionary project at inilarawan pa niya ang alkalde bilang isang mahusay na developer.

Hindi biro ang ganitong pagkilala, lalo’t kilala ang Singapore sa maayos nitong sistema ng pabahay. Pero sa halip na basta mangopya ng modelo ng ibang bansa, gumawa si Isko ng sariling pamamaraan na nakaugat sa karanasan ng mahihirap na Manileño.

Maging ang pangalang Tondominium ay may kwentong pinagmulan na ayon kay Isko ay hango ito sa Distrito ng Tondo kung saan siya lumaki at sa mga barong-barong na kanilang tinitirhan noon na pabirong tinatawag nilang condominium.

Mula sa mapait na karanasan, nakabuo siya ng positibong konsepto na nagbibigay ng disenteng tahanan sa mga pamilyang nangangailangan.

Mas kahanga-hanga dahil P2,000 hanggang P3,000 lamang kada buwan ang kontribusyon ng mga benepisyaryo para sa kanilang unit na maaari pang ipamana sa mga anak at apo, bagama’t hindi ito maaaring ipagbili.

Hindi lang bubong ang ibinibigay ni Isko kundi seguridad at pag-asang may maiiwang tahanan ang isang pamilya sa susunod na henerasyon.

Pero hindi rito nagtatapos ang pagpapakitang-gilas ng alkalde dahil sa ginanap na ASEAN Governors and Mayors Forum na idinaos sa Maynila, nanawagan din siya sa mga lokal na lider sa Southeast Asia na gawing konkretong serbisyo at kapakinabangan sa mamamayan ang mga adhikain ng ASEAN.

Tumatak sa kanyang mensahe ang pahayag na: “National visions give us direction, but local governments give those visions a destination.”

Para kay Isko, walang saysay ang magagandang pangako at plano kung hindi ito nararamdaman ng ordinaryong mamamayan.

Sa Minimum Basic Needs na isinusulong niya, nakapaloob ang pabahay, edukasyon, kalusugan at trabaho na mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya.

Sa pagkilala ng Singapore at panawagan sa mga lider ng ASEAN, muling ipinakita ni Yorme na kayang maging inspirasyon ng Maynila ang programang nagsimula sa pangarap na magkaroon ng disenteng tahanan ang mahihirap.

Mula Tondo hanggang Singapore, kuwento ng pag-angat at serbisyong may malasakit ang ipinagmamalaki ni Isko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here