MANILA, Philippines – Pinangunahan ng Pilipinas ang pagsusulong ng mas mahigpit na pamantayan sa kaligtasan ng mga ferry sa rehiyon sa idinaos na 6th ASEAN Regional Forum (ARF) Workshop on Ferry Safety sa Guangzhou, China.
Nagsilbing co-chair ng pagtitipon ang Pilipinas kasama ang China, Cambodia at Thailand, na dinaluhan ng mga opisyal at eksperto sa maritime sector upang talakayin ang pagpapahusay ng safety regulations, operasyon ng mga sasakyang pandagat at kooperasyon ng mga bansa.
Sa Session 3 ng workshop, nagsilbing co-chair si Maritime Industry Authority (MARINA) Regional Office VII Director Engr. Ronaldo P. Bandalaria.
Inilahad naman ni MARINA Maritime Safety Service Director Engr. Divinagracia F. Tolosa ang mga hakbang ng Pilipinas sa pagpapalakas ng safety culture sa domestic ferry industry.
Sa kaniyang presentasyong pinamagatang “Anchored in Compliance, Driven by Culture: Strengthening Domestic Ferry Safety in the Philippines,” iginiit ni Tolosa na hindi dapat nakasentro lamang sa pagsunod sa mga regulasyon ang kaligtasan sa biyahe.
Sa halip, dapat itong maging pinagsasaluhang responsibilidad ng pamahalaan at mga operator ng barko upang maprotektahan ang mga pasahero.
Binigyang-diin din ng delegasyon ng Pilipinas ang kahalagahan ng digital transformation sa maritime sector, kabilang ang paggamit ng artificial intelligence (AI) upang mapabilis ang regulatory processes, mapahusay ang pangangasiwa sa mga sasakyang pandagat at gawing mas moderno ang maritime administration.
Sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, layunin ng inisyatibo na mapalakas ang kaligtasan at kahusayan ng maritime transportation sa bansa.
Muling tiniyak ng Pilipinas ang kahandaang makipagtulungan sa mga karatig-bansa upang makabuo ng mga praktikal na solusyon para sa mas ligtas na paglalakbay sa dagat sa buong rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden