MANILA, Philippines – Hindi nagpaapekto si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa kontrobersiya sa pagtugtog ng awiting “Anak” ni yumaong folk singer-songwriter Freddie Aguilar sa pagdating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China para sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting.
Sa halip, iginiit ni Castro na dapat ipagmalaki ng mga Pilipino ang naturang awitin dahil kinilala ito sa iba’t ibang panig ng mundo at naisalin sa maraming wika.
“Ang kantang ‘Anak’ ni Freddie Aguilar ay isa sa pinakatumatak na awit sa buong mundo. Kinikilala ito sa buong mundo at dapat nating ipagmalaki ang awiting iyan,” ani Castro.
Dagdag pa niya, isang klasikong awitin ang “Anak” na nananatiling popular hanggang ngayon.
Isang orkestra sa Shenzhen, China ang nagtanghal ng instrumental na bersyon ng naturang awitin nang dumating sina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos sa isang bulwagan para sa gala dinner kasama ang iba pang mga lider nitong Miyerkules.
Inilabas noong 1978, ang “Anak” ay isinulat at pinasikat ni Aguilar. Inilalarawan nito ang pagsisisi at panghihinayang ng mga magulang sa paglayo ng kanilang anak matapos itong maghimagsik at malulong sa masasamang bisyo.
Naging tanyag ang awitin hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa dahil sa mga salin nito sa iba’t ibang wika. Kris Jose