Home METRO Grade 9 student, kinuyog ng 6 kaklase sa Aklan

Grade 9 student, kinuyog ng 6 kaklase sa Aklan

1
0

MALINAO, Aklan – Iniimbestigahan ng pulisya at Department of Education (DepEd) ang insidente ng pambubugbog sa isang Grade 9 na babaeng estudyante na umano’y pinagtulungang saktan ng anim na lalaking kaklase sa loob ng kanilang silid-aralan.

Naganap ang insidente noong Martes, Nobyembre 17, sa isang paaralan sa Malinao, Aklan.

Ayon sa salaysay ng biktima, nagsimula ang insidente bandang alas-2:30 ng hapon matapos umanong iwan sila ng kanilang guro upang magsagawa ng aktibidad at magligpit ng silid-aralan.

Dito umano siya inasar at tinukso ng ilang kaklase bago siya batuhin ng tsinelas.

Nang pulutin at ihagis niya palabas ang tsinelas, bigla umano siyang dinumog at pinagtulungang bugbugin ng anim na lalaking estudyante.

Nagtamo ang biktima ng mga pasa at pananakit sa likod at ulo na nagdulot umano ng pagkahilo at panlalabo ng paningin.

Ayon pa sa kaniya, hindi ito ang unang pagkakataong nakaranas siya ng pananakit mula sa mga kaklase dahil mayroon na rin umanong katulad na insidente noong Grade 8 pa lamang siya.

Dahil sa nangyari, humihingi ng hustisya ang ina ng biktima at humingi na rin umano ng tulong sa Malinao Police at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, sinabi ng DepEd Aklan na nagpapatuloy ang imbestigasyon nito upang matukoy ang mga pangyayari at pananagutan ng mga sangkot.

Patuloy din ang pagsisiyasat ng Malinao Municipal Police kaugnay ng insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here