MANILA, Philippines – Inaasahang makararanas ng pag-ulan ang maraming bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 20, dahil sa epekto ng apat na weather systems, habang aabot naman sa 43 degrees Celsius ang heat index sa ilang lugar, ayon sa PAGASA.
Magdudulot ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Mindanao, Central Visayas, Leyte, Southern Leyte, Siquijor, Negros Oriental at Palawan.
Magdadala rin ng mga pag-ulan ang Easterlies sa nalalabing bahagi ng Eastern Visayas, Masbate, Sorsogon at Albay.
Samantala, makaaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa Batanes, Babuyan Islands at Apayao, na makararanas ng maulap na kalangitan at pag-ulan.
Posible namang magkaroon ng isolated light rains sa Ilocos Region at iba pang bahagi ng Cordillera.
Dahil sa shear line, na nabubuo kapag nagtatagpo ang malamig at mainit na hangin mula sa Amihan at Easterlies, inaasahan din ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa mainland Cagayan Valley.
Nagbabala ang PAGASA laban sa posibleng biglaang pagbaha at landslide, lalo na sa mga lugar na makakaranas ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Posible pang lumakas ang Amihan surge ngayong weekend at magresulta sa mas aktibong shear line.
Tinatayang makapagtatala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan, na aabot sa 50 hanggang 100 millimeters, ang Cagayan at Isabela sa Sabado at Linggo. Posible ring maranasan ito sa Aurora sa Linggo.
Matinding init
Sa kabila ng pag-ulan, inaasahan pa rin ang mapanganib na heat index sa limang lugar ngayong Biyernes.
Posibleng umabot sa 43°C ang heat index sa Puerto Princesa City at Zamboanga City.
Aabot naman sa 42°C ang inaasahang heat index sa Aborlan, Palawan; Borongan City; at Iba, Zambales.
May 14 pang lugar ang posibleng makaranas ng heat index na hindi bababa sa 40°C.
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay tumutukoy sa temperaturang nararamdaman ng katawan kapag isinasaalang-alang ang halumigmig sa hangin.
Itinuturing na danger level ang heat index na 42°C hanggang 51°C, kung saan posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion. Maaari ring mauwi sa heat stroke ang matagal na pagkakalantad sa matinding init.
Pinayuhan ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa labas, partikular mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, magsuot ng magaan na damit, gumamit ng payong o sombrero at uminom ng maraming tubig.
Samantala, wala pang nakikitang tropical cyclone na papasok o mabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang sa katapusan ng susunod na linggo.
Patuloy namang umiiral ang Super El Niño sa tropical Pacific Ocean at posibleng umabot sa pinakamataas nitong antas sa Disyembre.
Ayon sa mga climatologist, maaari itong magresulta sa mas tuyo at mas mainit na panahon ng Amihan kumpara sa mga nakaraang taon. RNT