MANILA, Philippines – Hindi dapat mapagkamalan ang mabibigat na tanong sa pagiging bias, ayon kay House prosecution lawyer at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno.
Ito ay kasabay ng pagdepensa niya sa paggisa ng mga senator-judge sa mga witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ni Diokno sa pahayag ni Duterte spokesperson Paolo Panelo, na nagsabing kinukuha na ng ilang senator-judge ang tungkulin ng prosekusyon na hamunin ang kredibilidad ng defense witness na si Atty. Rainer Dela Fuente.
“Just because may tinanong ang isang member ng court, hindi ibig sabihin na may pinapanigan siya,” ani Diokno nitong Huwebes, Nobyembre 19.
“We cannot make any inference na dahil tinanong niya ito, meron siyang pinapaboran,” dagdag pa niya.
Ganito rin umano ang prinsipyong sinusunod sa impeachment court.
“And I believe that that same concept directly applies to the impeachment court,” sinabi ni Diokno.
Matatandaan na humarap sa matitinding tanong si Dela Fuente, dating Anti-Money Laundering Council (AMLC) financial investigator na ngayon ay nagtatrabahong private consultant, mula sa mga senator-judge kaugnay sa kanyang assessment sa bahagi ng forensic report ng prosekusyon na inihanda ni Alexander Cabrera.
Kinwestyon ni Senator-judge Raffy Tulfo kung paano nakakabuo ang witness ng mga opinyon nang hindi inaalam ang kabuuan ng report.
Iginiit ni Dela Fuente na ipinapaliwanag lamang niya ang legal standards at ang mga bahaging ipinresenta sa kanya at hindi ito gumagawa ng anumang comprehensive assessment ng report.
Inamin din nito na hindi niya sinuri ang bank, tax, corporate, at insurance records at tinukoy ang confidentiality restrictions.
Ginisa naman ni Senator-judge Joel Villanueva si Dela Fuente kaugnay sa mga dokumento na maglalatag ng original investments, remaining balance nito, at basehan para sa continued payments na nagrerepresenta sa returns of capital.
Samantala, pinuna rin ni Diokno ang nosyon ni Dela Fuente na siya ay expert.
“At the same time, dapat igalang ng spokespersons ng defense yung mga tinatanong ng mga senator-judge,” sinabi ni Diokno.
“Kasi klaro naman na meron silang gustong malaman at karapatan nila bilang mahistrado na magtanong,” dagdag pa niya. RNT/JGC