MANILA, Philippines – Naglunsad na ang National Police Commission (NAPOLCOM) ng imbestigasyon laban sa anim na pulis na idinidiin sa robbery incident sangkot ang P1.2 milyong halaga ng ari-arian sa Caloocan City.
Nitong Huwebes, Nobyembre 19, ay naghain ang complainant ng reklamo sa opisina ng NAPOLCOM laban sa anim na pulis, kabilang ang umano’y mastermind na si Police Major Jasper Benedict Santos.
Anang NAPOLCOM, ayon sa complainant, kinontak siya ni Santos ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos malaman na ang complainant ay nagbebenta ng gold bracelet na nagkakahalaga ng P700,000.
Nagkasundo ang mga ito na magkita noong Nobyembre 16 sa restaurant sa Caloocan City kung saan umano pinapunta ni Santos ang drayber nito at isa pang kasama para inspeksyunin ang alahas.
Kalaunan, inutusan umano ang complainant na pumunta sa ibang lugar upang makipagkita sa isa pang buyer. Pagdating doon, sapilitang pinadapa sa kalsada ng dalawang armadong lalaki ang complainant at kasama nito bago sila isinakay sa isang sasakyan.
Ayon sa biktima, isinagawa umano ng mga suspek ang isang pekeng pag-aresto at isinama ang isa pang indibidwal na sinasabing kanilang minamanmanan. Naghinala siya nang mapansin na hindi ito nakaposas at tila kakilala ang mga armadong lalaki.
Inakusahan din niya si Santos na nasa loob ng sasakyan habang may hawak na baril at itinutok ito sa kanya.
Kabilang umano sa mga suspek ang isang police corporal na siyang nagmamaneho at isang dating patrolman na nagtutok naman ng baril sa kanyang mukha. May isa pang lalaking nanakot sa kanya gamit ang kutsilyo.
Tinangay umano ng mga suspek ang kanyang gold bracelet, cellphone at baril.
Sinabi rin ng complainant na nangako ang mga ito na kukunin ang kanilang mga gamit na naiwan sa isang motorsiklo malapit sa isang subdivision sa pagitan ng Malabon at Valenzuela.
Gayunman, hindi na nila nakita ang alahas at nawawala na rin ang motorsiklo.
Bukod kay Santos, kinilala rin sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) ang isang police captain, police senior master sergeant at patrolman bilang mga posibleng sangkot sa insidente.
Dalawa pang hindi nakikilalang indibidwal ang iniugnay sa kaso.
Itinanggi naman ni Santos, na ipinakita sa isang press briefing, ang mga paratang at sinabing ipaliliwanag niya ang kanyang panig sa korte.
Isiniwalat din ng complainant na inalok umano siya ng kapatid ni Santos na palitan ang nawawalang alahas at iba pang gamit, kasama ang karagdagang bayad, kapalit ng pagbawi sa reklamo. Tinanggihan niya ito.
Nangangamba rin umano siya sa posibleng pananakot matapos mapansin ang mga hindi kilalang indibidwal na paikot-ikot sa kanyang tirahan.
Samantala, tiniyak ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan na patuloy ang imbestigasyon at hindi lamang ang anim na pulis kundi lahat ng indibidwal na posibleng sangkot ang kanilang tututukan.
Hinimok din niya ang iba pang pulis na iniugnay sa insidente na kusang sumuko.
“Sa mga kasama ni Major Santos na hinahanap pa, sumuko na kayo. Hinahanap na kayo ng mga pulis. Huwag na ninyong pahirapan ang ating mga kapwa pulis na hulihin at arestuhin kayo,” ani Calinisan.
Nanawagan din siya ng mas mahigpit na proseso sa pagre-recruit ng mga pulis, kabilang ang masusing background investigation at wastong neuropsychological examination upang maiwasang makapasok sa serbisyo ang mga kuwestiyonableng indibidwal.
Binigyang-diin ni Calinisan ang pangangailangang alisin sa organisasyon ang mga tiwali, walang kakayahan at walang disiplina upang matiyak na ang mga bagong papasok sa serbisyo ay kwalipikado at tunay na nakatuon sa paglilingkod sa publiko. RNT/JGC