Home HOME BANNER STORY Senate probe sa attempted smuggling ng P700M bigas sa Davao, Bataan sinimulan...

Senate probe sa attempted smuggling ng P700M bigas sa Davao, Bataan sinimulan na

1
0

MANILA, Philippines -Pinangunahan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Biyernes, Nobyembre 20, ang pagdinig ng Senate committee sa tangkang iligal na pagpasok ng tinatayang P700 milyong halaga ng smuggled Vietnamese rice sa mga pantalan ng Davao at Bataan noong Setyembre.

Sa pahayag, binigyang-diin ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang agricultural smuggling ay hindi lamang usapin ng kita ng gobyerno at pagpapatupad ng batas, kundi isang seryosong banta sa kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino at sa food security ng bansa.

Nauna na niyang ibinulgar ang dalawang insidente ng tangkang rice smuggling noong Setyembre sa gitna ng budget hearing ng Department of Agriculture (DA), at nangakong magbubukas ng pormal na imbestigasyon sa paulit-ulit na pattern ng mga ahensya ng gobyerno na nagpapahintulot sa pagpasok ng imported agricultural goods sa panahon ng local harvest season.

Sa ilalim ng 60-day rule ng DA, kailangang nakaalis ang agricultural products mula sa port of origin sa loob ng 60 araw, at hindi maaaring tumapat ang paglabas sa local harvest season upang protektahan ang mga magsasaka laban sa pagbagsak ng presyo.

“The issue of rice is really a gut issue for our people. And that’s why we want to find out ano bang naging problema rito at ano ba ang dapat natin gawin? Sino ang dapat magpaliwanag? Meron bang pananagutan? And paano natin aayusin itong problemang ito?” ani Pangilinan sa kanyang opening statement.

Ang MV Tay Son 2, na may kargang 12,500 metric tons ng bigas, ay nagtangkang umalis sa Port of Davao nang hindi kinukumpleto ang kinakailangang Customs processing, kaya’t hinarang at dinakip ito ng Philippine Navy sa karagatan.

Samantala, ang MV Lucky Star, na dinakip sa Port of Limay dahil hindi tugma ang import permit sa aktwal na laman ng shipment, na natagpuang may halos 7,500 metric tons ng bigas.

Pinaniniwalaang may kabuuang 20,000 metric tons ng Vietnamese rice ang dalawang barko, na may tinatayang halagang P700 milyon batay sa prevailing world market price na $420 kada metric ton.

Sa pagdinig, iginiit ni Pangilinan ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at mas malinaw na patakaran sa validity ng agricultural import permits, lalo na kapag hindi nasusunod ang contracted delivery dates.

Kinuwestyon niya kung bakit nananatiling valid ang isang import permit kahit lumampas na ang July 31 delivery deadline ng kontrata, at binanggit ang kakulangan ng komunikasyon sa pagitan ng mga kinauukulan.

“Pero sa inyo, hindi pa expired yung kontrata. Wala kayong group chat?” tanong ni Pangilinan, sabay diin sa pangangailangang mag-coordinate ang mga ahensya bago mag-isyu ng permit.

Iminungkahi niya na amyendahan ang kasalukuyang regulasyon upang awtomatikong ma-revoke ang import permits kapag hindi nasunod ang napagkasunduang delivery dates.

“Can you amend the regulation so that it is clear that when the permits have delivery dates are not complied with, it is automatically revoked? Kasi diyan ang nangyayari. May valid permit pero iba na yung kontrata. Iba-iba yung patakaran,” ani Pangilinan.

Layunin ng pagdinig nitong Biyernes na alamin ang lawak ng agricultural smuggling, suriin ang posibleng mga pagkukulang sa border protection, pag-isyu at pagmo-monitor ng agricultural import permits, at tukuyin ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno at iba pang indibidwal na maaaring sangkot sa iligal na pagpasok ng agricultural products.

Ayon kay Pangilinan, ang hindi mapigilang pagpasok ng smuggled agricultural products ay maaaring magpabagsak sa farmgate prices, magpahina sa local production, at maglagay sa alanganin ang mga lehitimong trader at importer.

Sa kanyang opening statement, ikinalungkot din ng senador na naging pinakamalaking rice importer sa mundo ang Pilipinas, at nagbabala na ang labis na pag-asa sa imported rice ay nagdudulot ng pagtaas ng rice inflation, na siya namang nagpapataas sa kabuuang inflation sa buong bansa.

Inalala niya ang kanyang panunungkulan bilang food security czar ng bansa mula 2014 hanggang 2015, kung saan bumaba ang rice inflation sa 0.8% lamang noong Setyembre 2015, habang bumaba ang nationwide inflation sa 1.5% — ang pinakamababa sa loob ng 20 taon. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here