Home NATIONWIDE CALE88 ipinangalan kay Carpio (CA), Lebosada (LE), kinumpirma ng defense witness

CALE88 ipinangalan kay Carpio (CA), Lebosada (LE), kinumpirma ng defense witness

1
0

MANILA, Philippines – Hango ang pangalan ng CALE88 Foods Corporation sa apelyido ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases Carpio at kanyang business partner na si Lourdes Lebosada, ayon sa testimonya ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa impeachment trial nitong Biyernes, Nobyembre 20.

Sa ika-45 araw ng impeachment trial, kinumpirma ni Trade Undersecretary for Industry Development and Promotions Ceferino Rodolfo ang pinagmulan ng pangalan ng kumpanya at ang pagbigkas nito nang tanungin siya ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero kung “KAH-LEH 88” nga ba ang tamang pagbigkas o hula lamang niya ito.

“Honorable judge, Honorable Senator, no’n pong tinanong po namin ‘yong Davao BOI extension office, ang sabi po sa amin ‘yong ‘KAH-LEH’ daw po kasi ‘yong ‘CA’, ‘yon po ‘yong apelyido ni Carpio tapos po ‘yong ‘LE’ Lebosada,” ani Rodolfo.

Tinanong naman ni Escudero kung ang tinutukoy nga ba ay sina Carpio at Lebosada, na kinumpirma ni Rodolfo.

Si Lebosada ay business partner ni Carpio at dentista ni Duterte.

Ang CALE88, isang banana chip manufacturing company, ay nabanggit sa presentasyon ng prosekusyon bilang isa sa mga firm na nakalista sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Tig-47.5 percent ang hawak nina Carpio at Lebosada sa kumpanya.

Sinabi rin ni Rodolfo na ang numerong 88 ay tumutukoy sa infinity — matagal nang pinaniniwalaang maswerteng numero dahil sa pagkakahawig nito sa infinity sign.

“Kaya po CALE88. ‘Yong eight daw po ay infinity, kaya CALE88,” ani Rodolfo.

“So CALE88 talaga ang pronunciation. So at least we’re pronouncing it correctly,” tugon ni Escudero.

Matunog na binanggit ang CALE88 sa presentasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV, na nagtanong tungkol sa operasyon ng kumpanya, kabilang ang umano’y napakababang gastos sa kuryente, maliit na paid-up capital, zero trade receivables at payables, at kawalan ng rank-and-file employees kahit na nagke-claim itong banana chip manufacturer.

Ngunit ang mas malaking alalahanin, ayon kay Trillanes, ay ang pagtanggap ng CALE88 ng P319 milyon na cash remittances mula sa China.

Bagama’t una nang isinama si Trillanes sa witness list ng prosekusyon, kalaunan ay binawi siya ng panel sa lineup nito.

Kinumpirma naman kalaunan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakatanggap ang CALE88 ng mahigit P319 milyon mula sa China, na nagpatibay sa naunang mga alegasyon ni Trillanes tungkol sa mga transaksyon ng kumpanya.

Sa cross-examination, nakuha ng mga abogado ni Duterte ang kumpirmasyon ni Buenaventura na walang dokumentong nagpapakita ng pagkakasangkot ng gobyerno ng China sa CALE88.

Ngunit sinabi ni Senator-judge Risa Hontiveros na may nakuha siyang impormasyong kabaligtaran nito.

Sa kanyang interjection, binanggit ni Hontiveros na sinuri ng kanyang opisina ang background ng dalawa sa mga kumpanyang nakipagtransaksyon sa CALE88 — ang China National Township Enterprises at Beijing Jianweifang Food Company.

Batay sa kanilang pananaliksik, sinabi ni Hontiveros na ang China National Township Enterprises ay dating direktang nasa ilalim ng Ministry of Agriculture ng China at isang state-owned agricultural enterprise.

Samantala, sinabi ng senator-judge na ang Beijing Jianweifang Food Company ay pag-aari ng Xinjiang Fruit Industry Group, na isa ring Chinese state-owned enterprise.

Dagdag pa ni Hontiveros, ang corporate structure ng Xinjiang Fruit Industry Group ay may bahagi ng Chinese Communist Party, habang ang chairperson ng Beijing Jianweifang Food Company ay umano’y miyembro ng Chinese People’s Political Consultative Conference (CPPCC).

Dahil sa mga isyung ito, tinanong ng mga miyembro ng House of Representatives kung ito ba ay isang national security concern.

Noong Oktubre 16, nanawagan si House Deputy Speaker Jefferson Khonghun ng imbestigasyon sa CALE88 upang alamin kung lumabag ito sa anumang batas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here