Home HOME BANNER STORY CALE88 ni Mans Carpio, may 201 empleyado noong 2024 – DTI witness

CALE88 ni Mans Carpio, may 201 empleyado noong 2024 – DTI witness

4
0

MANILA, Philippines – May mahigit isang daang empleyado ang Cale88, ang kumpanyang iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases Carpio, noong 2023 at 2024, ayon sa testimonya ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes sa harap ng Senate impeachment court.

Tila sumasalungat ang mga numero sa nauna nang impormasyong iniharap sa paglilitis na nagsasabing walang empleyado ang Cale88, isang banana chips manufacturing company, noong 2023 at 2024, at dalawa lamang noong 2025.

Ngunit sa dokumentong iniharap sa testimonya ni Ceferino Rodolfo, DTI undersecretary for industry development and investment promotions, lumabas na noong 2023 ay may apat na administrative at sales employees, 115 direct laborers, at tatlong indirect laborers ang kumpanya.

Umabot sa humigit-kumulang P3.5 milyon ang kabuuang labor expenses nito noong taong iyon.

Batay sa ipinakitang tala:

1. Management: 0

2. Administrative/Sales: 3 hired sa taon, 4 aggregate, P209,000.00 annual payroll

3. Direct Labor: 115 hired, 115 aggregate, P3,112,554.94 annual payroll

4. Indirect Labor: 3 hired, 3 aggregate, P205,000.00 annual payroll

5. Kabuuang Labor Expense: P3,526,554.94

Noong 2024, iniulat ng Cale88 na may 201 manggagawa ito, pero bumaba ito sa 50 noong 2025.

Ayon kay Rodolfo, na siya ring managing head at vice chairman ng Board of Investments ng DTI, ang pagbaba ay “attributable” sa “change in management and ownership.”

Nasa ilalim ng pagsusuri ng impeachment court ang Cale88 dahil sa nauna nang impormasyon na mayroon lamang itong zero hanggang dalawang empleyado, gayundin ang pagtanggap nito ng P319 milyon na remittances mula sa Chinese companies na may kaugnayan sa gobyerno ng China.

Inihayag ni Rodolfo na rehistrado ang Cale88 sa DTI Board of Investments (BOI) bilang isang export enterprise at sumunod ito sa mga requirement para sa naturang rehistro.

Ang certificate of registration ng kumpanya ay inisyu noong Disyembre 2021, sa parehong buwan na nakatakda sana itong magsimula ng operasyon. Ngunit naurong ang pagsisimula ng operasyon sa Enero 2023 dahil sa COVID-19 pandemic.

Tinanong ni defense lawyer Justin Nichol Gular si Rodolfo kung may nakitang “irregularities” ang BOI sa mga transaksyon at export ng Cale88 sa mga Chinese firm.

“Ang pinakatinitingnan lang naming dito ay kung pasok siya doon sa 70 percent na export requirement niya. Sinisugurado lang naming na ‘yong exports niya, hindi bababa sa 70 percent,” sagot ni Rodolfo, bago kinumpirmang walang isyu sa mga transaksyon.

Noong 2026, humingi rin ang Cale88 ng certificate of good standing mula sa BOI para sa accreditation nito sa Bureau of Customs, na magpapahintulot dito na mag-import at mag-export ng mga produkto.

Pinagbigyan ng BOI ang kahilingan, at ang pag-isyu ng sertipikasyon ay nagpapakitang sumunod ang Cale88 sa mga terms and conditions ng board, paliwanag ni Rodolfo.

Nagpapakita ng mga testigo ang defense panel upang linawin ang business operations ng Cale88. Ilang beses nang nabanggit ang kumpanya sa impeachment trial ni Duterte, kung saan inaakusahan siya ng pagkamal ng unexplained wealth, hindi buong pagsisiwalat ng kanyang mga ari-arian, at hindi pag-divest mula sa kanyang business interests. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here