MANILA, Philippines – Isinusulong ng Department of Finance (DOF) ang agarang pagpasa ng panukalang 15% minimum tax sa malalaking multinational companies upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan at hindi mapunta sa ibang bansa ang buwis na dapat makolekta sa Pilipinas.
Nakasaad sa House Bill No. 11114 o Multinational Minimum Tax Act of 2026 ang pagpapataw ng minimum effective tax rate na 15% sa mga multinational enterprise (MNE) group na may taunang kita na hindi bababa sa 750 milyong euro.
Ayon sa DOF nitong Biyernes, Nobyembre 20, sa ilalim ng panukala, maaaring maningil ang pamahalaan ng karagdagang buwis o top-up tax kung mas mababa sa 15% ang aktuwal na buwis na binabayaran ng isang sakop na multinational company.
Hindi naman kasama sa panukala ang maliliit na negosyo at mga kumpanyang lokal lamang ang operasyon.
Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na mahalagang maihanda ang Pilipinas sa pagpapatupad ng Global Minimum Tax upang matiyak na makokolekta ng bansa ang nararapat na buwis habang napapanatiling kaakit-akit sa mga mamumuhunan ang lokal na ekonomiya.
Batay sa paunang pagtaya ng DOF, posibleng makalikom ang pamahalaan ng P24.4 bilyon kada taon mula sa tinatayang 1,001 multinational enterprise groups na may kabuuang 4,037 lokal na kompanyang kabilang sa kanilang operasyon.
Katumbas ito ng humigit-kumulang 0.65% ng mga aktibong korporasyong rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Mananatili naman ang umiiral na fiscal incentives para sa mga negosyo, bagama’t posibleng baguhin ang ilang benepisyo para sa mga sakop na multinational companies upang umayon sa minimum tax rate na 15%.
Upang mapanatili ang pagiging kompetitibo ng bansa, isinusulong din sa panukala ang Industrial Competitiveness Support mechanism. Gagamitin ang malilikom na top-up tax upang pondohan ang mga grant at reimbursement para sa imprastraktura, pagpapaunlad ng kakayahan ng mga manggagawa, pananaliksik at pagpapaunlad, at mga produktibong kagamitan.
Inihain ang panukala noong Setyembre bilang bahagi ng ProGRESS Tax Reform Package at nakabinbin pa sa House Committee on Ways and Means.
Nakikipag-ugnayan din ang DOF sa Malaysia, Thailand at Indonesia upang pag-aralan ang mga hakbang sa pagpapatupad ng naturang buwis sa rehiyon. RNT/JGC