MANILA, Philippines – MALUGOD na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP), araw ng Biyernes ang mahigit $5 bilyong halaga ng inaprubahang bentahan ng armas ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sa bilateral na pagpupulong nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ni US President Donald Trump na sinuportahan niya ang pagpapataas ng pondong inilaan para sa pagpopondo ng militar ng ibang bansa at inaprubahan ang $5 bilyong halaga ng bentahan ng mga armas sa Pilipinas mula nang maupo siya sa puwesto.
Ayon sa AFP, makatutulong ang suporta ng Estados Unidos sa programa ng modernisasyon ng militar ng bansa at sa mga pagsisikap na higit pang palakasin ang kakayahan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa teritoryo nito.
“We appreciate the continued support of the United States in strengthening the AFP’s capabilities,” ang sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang kalatas.
“These forms of assistance contribute to our ongoing modernization and efforts to develop a credible defense posture,” aniya pa rin.
Sinabi rin ni Trump sa nasabing pagpupulong na nakikipagtulungan siya kay Pangulong Marcos upang higit pang palawakin ang kooperasyon sa larangan ng depensa sa pagitan ng Maynila at Washington.
Tiniyak naman ni Padilla na ang anumang armas o kagamitang militar na bibilhin ay “dumaraan sa angkop na pagsusuri at proseso ng pagkuha batay sa mga pangangailangan sa operasyon at mga prayoridad ng bansa sa pambansang depensa.” KRIS JOSE