MANILA, Philippines – Inakusahan ang isang municipal councilor mula sa Sultan Kudarat na nanuntok sa isang foreign clown performer sa kasagsagan ng circus show sa General Santos City nitong Miyerkules, Nobyembre 18.
Humingi na ng paumanhin sa publiko ang konsehal kaugnay ng insidente.
Sa pahayag nitong Huwebes, kinumpirma ng Art Box Entertainment na isa sa kanilang performers ang pisikal na sinaktan ng isang manonood habang isinasagawa ang palabas sa General Santos City.
Ayon sa kumpanya, agad na binigyan ng paunang lunas ang performer at patuloy itong inaalalayan ng kanilang team.
Sinabi rin ng Art Box Entertainment na hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan, lalo na sa harap ng mga manonood.
Iniulat na rin umano nila ang insidente sa mga kinauukulan at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon.
Binigyang-diin ng kumpanya na dapat maging ligtas na lugar para sa mga performer at manonood ang kanilang family-friendly show.
Samantala, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na iimbestigahan ng ahensya ang insidente.
Sa public apology na inilabas ng Cordero Law Office, na kumakatawan kay President Quirino Councilor Edgar Sandigan, sinabi nitong ang kanilang kliyente umano ang unang natamaan sa ulo ng clown na si Chupetin habang nagtatanghal sa EuroXtreme Circus Carnavale! na inorganisa ng Art Box Entertainment.
Ayon sa law office, nagulat umano si Sandigan at gumanti bilang reaksyon sa nangyari. Iginiit nitong hindi rin sinasadya ng konsehal ang ginawa nito.
Personal na humingi ng paumanhin si Sandigan sa clown at sinabing naayos na rin ang usapin, kabilang ang pagbibigay ng kaukulang kabayaran.
Humingi rin siya ng paumanhin sa pamunuan ng Art Box Entertainment at sa mga manonood na nakasaksi sa insidente.
Samantala, sinabi ng Art Box Entertainment na umabot na sa 17 lungsod ang unang Philippine tour nito, habang nagsimula naman sa General Santos City ang ikalawang tour ng kanilang circus show. RNT/JGC