MARAWI CITY, Philippines – Arestado ang dalawang lalaki matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4.08 milyon sa buy-bust operation ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Biyernes, Nobyembre 20.
Kinilala ni Lanao del Sur police director Colonel Caezar Cabuhat ang mga suspek na sina Abduljalil Pondiong Acraman, 21, alyas Tapah, at Samera Dipatuan Ali, 38, alyas Jam, kapwa residente ng Barangay Rorogagus sa lungsod.
Ayon kay Cabuhat, nakipagkita ang poseur-buyer, sa tulong ng isang confidential informant, sa mga suspek sa napagkasunduang lugar ng transaksiyon sa Barangay Lilod Saduc.
Binenta umano ng dalawa sa undercover agent ang isang bag ng shabu kapalit ng P600,000.
Agad silang inaresto matapos ang aktuwal na transaksiyon. Nasamsam sa operasyon ang 600 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4.08 milyon, gayundin ang isang Yamaha NMAX motorcycle.
Pinangunahan ng Regional Drug Enforcement Unit ang operasyon katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya sa rehiyon at lalawigan ng Lanao del Sur. RNT/MDS