Home NATIONWIDE PBBM, tinalakay sa China pagpapahupa ng tensyon sa West Philippine Sea

PBBM, tinalakay sa China pagpapahupa ng tensyon sa West Philippine Sea

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinalakay niya ang mga paraan upang mapahupa ang tensyon sa West Philippine Sea kasama si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa ginanap na APEC gala dinner sa Shenzhen, China.

Ayon sa Pangulo, naniniwala siyang nais din ng China na maisakatuparan na ang pinal na kasunduan sa Code of Conduct sa South China Sea.

Inaasahan ng Pilipinas na matatapos ang kasunduang ito sa panahon ng pamumuno nito bilang tagapangulo ng ASEAN ngayong taon, ngunit nabigong makamit ang isang pinal na kasunduan.

Inamin ni Marcos na kakailanganin ang pakikipagtulungan ng Beijing upang magkaroon ng pag-unlad sa usaping ito.

Sinabi rin niya na ipinakita ng China ang suporta nito sa mga pagsisikap na maisakatuparan ang naturang kasunduan.

Winika pa ng Pangulo na hindi niya nakadaupang-palad si Chinese President Xi Jinping dahil sa kanyang masikip na iskedyul.

Gayunpaman, inilarawan niya bilang nakapagbibigay ng pag-asa ang mainit na pagtanggap ng China sa delegasyon ng Pilipinas, sa kabila ng matagal nang hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.

Bukod sa mga usaping diplomatiko, ginamit din ni Pangulong Marcos ang kanyang pagbisita sa China upang hikayatin ang mga pamumuhunan na maaaring makalikha ng mas maraming trabaho sa Pilipinas.

At bago umalis ng Shenzhen, nakipagpulong ang Pangulo sa mga opisyal ng ilang kumpanyang Tsino, kabilang ang isang pandaigdigang tagagawa ng mga bagong sasakyang pinapagana ng enerhiya at isang kumpanyang namumuhunan sa enerhiya mula sa hangin sa karagatan (offshore wind energy).

Ani Pangulong Marcos, nananatiling tiwala ang mga dayuhang negosyante sa Pilipinas habang isinusulong ng bansa ang layuning maging pangunahing sentro ng kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Ibinunyag din ng Punong Ehekutibo na pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibilidad na maging lugar ng paglulunsad ng mga rocket ng SpaceX, ang kompanya ni Elon Musk.

Tinuran ni Pangulong Marcos, hindi layunin ng bansa na bumuo ng sarili nitong ahensiya sa kalawakan o magpadala ng mga misyon sa Buwan at Mars.

Sa halip, nais ng Pilipinas na makinabang sa lumalawak na negosyo ng mga komersyal na paglulunsad ng mga rocket sa kalawakan.

Sinabi niya na maaaring maging kaakit-akit na lugar para sa mga misyon sa kalawakan ang Pilipinas dahil sa lokasyon nito at pagiging malapit sa Karagatang Pasipiko.

Samantala, kinuwestiyon ni Pangulong Marcos ang mga demonstrasyon laban sa panukalang inisyatibang Pax Silica. Ayon sa Pangulo, wala pang pinal na kasunduan at wala pang anumang partikular na probisyon na nilagdaan kaugnay nito.

Ibinasura rin ng Pangulo ang mga pangamba na maaaring magdulot ng pinsala sa kalikasan ang naturang inisyatiba. Nilinaw niya na ang iminungkahing lugar ay nakatuon sa artificial intelligence (AI) at hindi pagtatayuan ng mga data center.

Samantala, inilarawan naman ni Pangulong Marcos ang inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos bilang isang pagkakataon para sa Pilipinas na makilahok sa mga pandaigdigang talakayan tungkol sa artificial intelligence (AI). (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here