PASAY CITY, Philippines – Arestado ang 18 dayuhan sa pagsalakay ng Bureau of Immigration (BI) sa isang hinihinalang parcel scam hub sa Pasay City.
Ayon sa BI, nagpapanggap umano ang mga suspek na mga pulis ng Japan gamit ang artificial intelligence (AI) software at deepfake technology upang makapanloko ng mga biktima.
Sa ulat nitong Biyernes, kinailangang sumuot ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit sa maliit na siwang matapos madatnan na nakakandado ang gate ng lugar.
Nahuli rin ang ilang suspek na nagtatangkang tumakas sa katabing gusali habang pumapasok ang mga operatiba.
Karamihan sa mga naaresto ay Japanese nationals, habang ang iba ay Chinese, Taiwanese at Indian nationals.
Ayon kay BI FSU chief Rendel Sy, nagsagawa sila ng surveillance matapos matukoy na may isang puganteng nagtatrabaho sa lugar. Nadiskubre umano nila ang ilegal na operasyon kaya isinagawa ang pagsalakay.
Nasamsam sa lugar ang mga pekeng background at uniporme ng Japanese police, mga script na ginagamit sa panloloko, at mga soundproof cubicle kung saan umano nakikipag-usap ang mga suspek sa kanilang mga target.
Nagpapanggap umano ang mga suspek na mga pulis ng Japan at tumatawag sa mga biktima tungkol sa nakatakdang delivery ng isang package. Kapag tinanggap ito ng biktima, tinatakot umano nila ito sa pagsasabing may kontrabando sa loob ng package.
Dumating din sa lugar ang mga kinatawan ng ilang foreign embassy upang alamin ang operasyon.
Nakikipag-ugnayan na ang BI sa mga counterpart nito sa ibang bansa, kabilang ang mga awtoridad ng Japan at China at pamahalaan ng India, upang beripikahin ang pagkakakilanlan at background ng mga naarestong dayuhan. RNT/MDS