MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay at imbestigasyon laban sa online exploitation ng mga bata dahil sa mga bagong banta na dulot ng artificial intelligence (AI) at social media.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., kailangang makasabay ang mga pulis sa nagbabagong paraan ng mga kriminal na gumagamit ng digital platforms upang pagsamantalahan ang mga menor de edad.
“We will intensify cybercrime monitoring and investigations, strengthen coordination with partner agencies and digital platforms, and pursue those who use the internet to prey on children,” ani Nartatez nitong Biyernes, Nobyembre 20.
Nangako ang mga ahensya ng pamahalaan na palalakasin ang mga hakbang para protektahan ang mga bata sa idinaos na 2nd Global Ministerial Conference on Ending Violence Against Children sa bansa noong Nobyembre 18.
Saklaw ng pangako ang mga sektor ng kalusugan, edukasyon, serbisyong panlipunan at hustisya, kasunod ng patuloy na pangamba sa lawak ng karahasang nararanasan ng mga bata sa Pilipinas at iba pang bansa.
Batay sa 2015 National Baseline Study on Violence Against Children na binanggit sa mga ulat ng Department of Health, 80 porsiyento ng mga Pilipinong edad 13 hanggang 24 ang nakaranas ng karahasan sa tahanan, paaralan, komunidad at online.
Samantala, tinatayang 1.6 bilyong bata sa buong mundo ang nakararanas ng pisikal o sikolohikal na karahasan bawat taon.
Sinabi ni Nartatez na patuloy na palalakasin ng PNP ang mga hakbang sa pag-iwas sa krimen at sisiguraduhing mabilis ang pagtugon sa mga naiulat na kaso.
“We, in the Philippine National Police, commit to strengthen our preventive efforts, ensure swift action on reported cases, and hold perpetrators accountable because every child deserves to grow up in an environment where their safety, dignity, and rights are protected,” aniya. RNT/MDS