MARAWI CITY, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang mga puslit na sigarilyong nagkakahalaga ng tinatayang P19.5 milyon sa magkahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur noong Biyernes, Nobyembre 20.
Ayon kay Lanao del Sur police director Colonel Caezar Cabuhat, unang sinalakay ng mga awtoridad ang isang bodega sa Barangay Bara-as, bayan ng Picong, makalipas ang hatinggabi.
Nasamsam dito ang 145 master case ng Capital, apat na master case ng Canon at limang master case ng Platinum cigarettes na walang kaukulang dokumento. Tinatayang P6.5 milyon ang halaga ng mga ito batay sa pagtataya ng Bureau of Customs.
Samantala, nasamsam din ang 192 master case ng Titan at 121 master case ng Casa Blanca cigarettes sa isang checkpoint ng Army’s 4th Mechanized Infantry Battalion-Task Force Marawi sa Barangay Cadayunan, Marawi City.
Pinangunahan nina Lieutenant Colonel Rogelio Lopez at Police Lieutenant Colonel Muhiddin Pagayawan ang ikalawang operasyon. Tinatayang P13 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo.
Ayon kay Cabuhat, mula sa Picong umano galing ang mga puslit na produkto.
Dahil sa mga nasabing operasyon, umabot na sa P39 milyon ang kabuuang halaga ng mga kontrabandong sigarilyong nasamsam ng mga awtoridad sa Lanao del Sur ngayong Nobyembre.
Pinuri naman ni Marawi City Vice Mayor Majul Usman Gandamra ang pulisya at militar sa kanilang “relentless joint efforts” laban sa mga ilegal na aktibidad. RNT/MDS