MANILA, Philippines – Prayoridad ng Department of Finance (DOF) ang agarang pagpasa ng House Bill No. 11114 o Multinational Minimum Tax (MMT) Act of 2026 upang mapalakas ang koleksiyon ng buwis ng pamahalaan.
Ayon sa DOF, magbibigay-daan ang panukala para makakolekta ang Pilipinas ng buwis mula sa kinikita ng malalaking multinational companies sa loob ng bansa.
Ipinatutupad nito ang Global Minimum Tax (GMT), isang pandaigdigang balangkas na binuo sa ilalim ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) at G20 Inclusive Framework on Base Erosion and Profit Shifting.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magbayad ng minimum effective tax rate na 15 porsiyento sa bawat bansang kanilang pinagtatrabahuhan ang mga multinational enterprise group na may taunang kita na hindi bababa sa 750 milyong euro.
Kapag mas mababa sa 15 porsiyento ang aktuwal na buwis na binabayaran ng mga kumpanyang saklaw nito, maaaring maningil ang pamahalaan ng karagdagang buwis o top-up tax.
Hindi naman saklaw ng panukala ang maliliit na negosyo at mga kumpanyang lokal lamang ang operasyon, anuman ang laki ng mga ito.
Batay sa paunang pagtataya ng DOF, maaaring makalikom ang pamahalaan ng P24.4 bilyon kada taon sa pagpapatupad ng panukala.
Tinatayang 1,001 multinational enterprise group, na binubuo ng humigit-kumulang 4,037 kompanyang nag-o-operate sa Pilipinas, ang posibleng masaklaw nito. Katumbas ito ng halos 0.65 porsiyento ng lahat ng aktibong korporasyong rehistrado sa Securities and Exchange Commission.
Nilinaw ng DOF na hindi aalisin ng MMT ang mga fiscal incentive, ngunit maaaring baguhin ang mga insentibong ipinagkakaloob sa mga kumpanyang saklaw nito upang matiyak na maabot ang 15 porsiyentong minimum tax rate.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, nakikipagtulungan ang kagawaran sa mga kinauukulang sektor upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng panukala habang pinananatiling kaakit-akit sa mga mamumuhunan ang ekonomiya ng bansa. RNT/MDS