Home NATIONWIDE P213M kickback ni Jinggoy, iniugnay sa pumping stations, solar street lights sa...

P213M kickback ni Jinggoy, iniugnay sa pumping stations, solar street lights sa Bulacan – witness

1
0

MANILA, Philippines – Iniugnay ng isang testigo ng prosekusyon ang umano’y P213 milyong commitment fees o kickback ni Senador Jinggoy Estrada sa mga proyektong pumping stations na nagkakahalaga ng P355 milyon at solar street lights na nagkakahalaga ng P500 milyon sa Bulacan.

Ito ang inilahad ni Carlo Rivera, dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office, sa pagdinig sa Sandiganbayan Fifth Division nitong Biyernes kaugnay ng petisyon ni Estrada na makapagpiyansa.

Ayon kay Rivera, inutusan umano siya ng dati niyang hepe na si dating Bulacan First DEO District Engineer Henry Alcantara na gumawa ng listahan ng mga proyekto para kay Estrada.

“Ang sabi po niya prepare a list for Senator Estrada…iyong P300 million pumping station, i-tag kay SJE,” pahayag ni Rivera, na tumutukoy kay Alcantara.

Nauna nang sinabi ni Alcantara sa anti-graft court na nakatanggap umano si Estrada ng 25 porsiyentong commitment fee sa bawat proyekto, ngunit hindi niya tinukoy noon kung anong mga proyekto sa Bulacan ang pinagmulan nito.

Samantala, sinabi ng isa pang testigo na si Edrick San Diego na nagsilbi siyang driver ni Alcantara ngunit binabayaran bilang lot technician.

Ayon kay San Diego, inatasan lamang siyang maghatid ng mga kahon kina Alcantara at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, at hindi kay Estrada.

“Hindi ko alam ano nangyari [sa mga boxes] after madeliver sa Diamond Hotel,” aniya.

Matapos ang testimonya ni San Diego, sinabi ng prosekusyon na siya na ang huli nitong testigo.

Binigyan naman ng Sandiganbayan ang prosekusyon ng 10 araw upang isumite ang pormal na listahan ng mga ebidensya.

Nahaharap si Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P573 milyong flood control kickback scheme. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here