MANILA, Philippines – Tinalakay ng Philippine Coast Guard (PCG) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang mga posibleng larangan ng pagpapalawak ng kanilang kooperasyon upang palakasin ang kakayahan ng bansa sa maritime operations at kaligtasan sa karagatan.
Tinanggap ni PCG Commandant Admiral Rommel A. Supangan si JICA Philippines Office Chief Representative Baba Takashi at iba pang kinatawan nito sa courtesy call sa PCG National Headquarters sa Port Area, Manila nitong Huwebes, Nobyembre 19.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, layunin ng pulong na muling pagtibayin ang suporta ng JICA sa PCG at talakayin ang kasalukuyan at posibleng mga susunod na proyekto.
Kabilang sa tulong ng Japan ang pagbibigay ng mga modernong barko, kagamitan at teknikal na pagsasanay upang mapahusay ang maritime patrol, search and rescue, at law enforcement operations ng PCG.
Sa ilalim ng loan agreement noong 2013, pinondohan ng Japan ang pagbili ng 10 multi-role response vessels na may habang 44 metro. Sinundan ito ng kasunduan noong 2016 para sa dalawang mas malalaking barko na may habang 97 metro, ang BRP Teresa Magbanua at BRP Melchora Aquino.
Naglaan din ang Japan ng ¥64.38 bilyon o katumbas ng P24.5 bilyon sa pamamagitan ng loan agreement na nilagdaan noong Hunyo 2024 para sa karagdagang limang 97-meter MRRVs.
Bukod sa mga barko, sinuportahan din ng JICA ang pagpapahusay ng communications at maritime surveillance capabilities ng PCG, kabilang ang satellite-based communications system at Vessel Traffic Management System sa Mactan Channel sa Cebu.
Nagbigay rin ito ng patrol boats, rescue equipment at iba pang pasilidad para sa maritime safety.
Naglaan din ang Japan ng mga eksperto mula sa kanilang Coast Guard upang sanayin ang mga Pilipinong tauhan sa maritime law enforcement, search and rescue, firefighting, vessel operations, disaster response at iba pang kaugnay na larangan.
Sa ilalim naman ng technical cooperation project na tatagal mula 2025 hanggang 2028, tinutulungan ng JICA ang PCG na bumuo ng standard operating procedures para sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga barko, mapahusay ang mga alituntunin sa imbestigasyon ng maritime crimes at palakasin ang kakayahan ng mga tauhang nangangasiwa sa lumalaking fleet ng Coast Guard. RNT/MDS