MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbili ng mga long-range weapon system upang palakasin ang depensa ng bansa at protektahan ang mga sea lane nito.
Sa ulat, inanunsiyo ni US President Donald Trump ang $2-bilyong pautang para sa militar ng Pilipinas, katumbas ng humigit-kumulang P127 bilyon, sa kanyang pagbisita sa bansa.
Sa halagang ito, $400 milyon ang nakalaan para palakasin ang kakayahan ng militar na pigilan ang mga posibleng pag-atake sa West Philippine Sea.
Kabilang sa pinag-aaralang bilhin ang mga tinatawag na kinetic weapon system, gaya ng missile system, na kayang tumama sa mga target sa malalayong distansiya, sa lupa man o sa dagat.
Ayon kay AFP DAGITPA Exercise Director Major General Oliver Maquiling, mahalaga rin ang radar system upang matukoy ang lokasyon ng mga banta at maging epektibo ang paggamit ng mga missile.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff General Antonio Nafarrete na nakatuon ang militar sa mga kagamitang kailangan para sa territorial defense, lalo na sa pagpasok ng mga barkong pandigma ng China sa mga sea lanes of communication ng bansa.
Kabilang sa mga kakayahang sinusubukan at pinagsasanayan sa AJEX DAGITPA military exercises ang deployment at paggamit ng missile systems.
Mayroon nang BrahMos cruise missiles ang Pilipinas na binili mula sa India, na may iniulat na abot na 300 kilometro ang saklaw. Mayroon din itong C-Star anti-ship cruise missiles mula sa South Korea. RNT/MDS