Home NATIONWIDE Konkretong resulta ng paglahok sa APEC Summit sa China, ibinida ni PBBM

Konkretong resulta ng paglahok sa APEC Summit sa China, ibinida ni PBBM

4
0

MANILA, Philippines – Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga konkretong resulta ng kanyang paglahok sa 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China, kabilang ang pagpapalawak ng malayang kalakalan, seguridad ng supply chains at suporta sa maliliit na negosyo.

Sa kanyang arrival statement, sinabi ng Pangulo na layunin niyang isulong ang bukas na merkado, ligtas na supply chains at paglago ng ekonomiya sa gitna ng pagtaas ng presyo at kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang ekonomiya.

“I went to Shenzhen with a clear purpose: to help keep markets open, supply chains secure, and growth working for our people, at a time of rising prices and continued uncertainty in the global economy,”

“I am pleased to report that our participation has yielded concrete results for the Filipino people,” aniya.

Sa pulong, itinaguyod ni Marcos ang bukas, patas at nakabatay sa mga alituntuning sistema ng kalakalan. Binigyang-diin din niya ang pag-angat ng Pilipinas sa upper-middle-income status at ang pagkakaroon ng pinakamalawak na network ng mga free trade agreement sa kasaysayan ng bansa.

Hinimok din niya ang mga kasaping ekonomiya ng APEC na kilalanin ang mga kwalipikasyong pang-edukasyon at propesyonal ng bawat isa upang mas mapadali ang pagtatrabaho ng mga Pilipinong propesyonal sa rehiyon.

Iginiit din ng Pangulo ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga karagatan bilang pinagkukunan ng kabuhayan at pangunahing ruta ng pandaigdigang kalakalan, alinsunod sa international law at United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Hinimok naman niya ang mga lider ng APEC na tiyaking magdudulot ng trabaho at bagong oportunidad sa mga negosyo at manggagawang Pilipino ang kanilang mga talakayan, partikular sa sektor ng pangangalaga o care economy.

“These talks need to create jobs, empower MSMEs, and open new opportunities for Filipino goods and services, particularly within the care economy,” pahayag ni Marcos.

Ayon sa Pangulo, inaasahang lalampas sa 300 milyon ang bilang ng mga senior citizen sa rehiyon ng APEC pagsapit ng 2050, kaya maaari itong maging malaking mapagkukunan ng trabaho.

“Filipino facilities, nurses, caregivers, trusted across the Asia-Pacific and the world, stand ready to help to meet that need,” aniya.

Sa sidelines ng summit, nakipagpulong din si Marcos sa mga lider mula sa Chile, Peru, Mexico at iba pang bansa upang palakasin ang ugnayan at palawakin ang kalakalan, pamumuhunan at kooperasyon.

Nilagdaan din ang Philippines-Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA), ang kauna-unahang bilateral free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa sa Latin America.

“It will open new markets for Philippine goods and services and provide a gateway for deeper economic engagement with Latin America, creating more opportunities for Filipino businesses and workers. We look forward to the agreement’s entry into force,” ayon sa Pangulo.

Nakipag-usap din siya sa mga kompanyang C&U Group, BYD at Mingyang Smart Energy Group upang isulong ang mga oportunidad sa pamumuhunan at palawakin ang operasyon ng mga industriya sa Pilipinas.

Nagsagawa rin siya ng executive roundtable meeting kasama ang TCL Group, Huaxin Building Materials Group, Shenzhen Grandsun Electronic at PCON International upang talakayin ang mga plano sa pagpapalawak ng negosyo at pamumuhunan sa sektor ng industriya at pagmamanupaktura.

Ayon kay Marcos, umabot sa US$41.1 bilyon ang mga investment commitment na nakuha mula sa iba’t ibang sektor, na may potensyal na makalikha ng mahigit 7,000 trabaho para sa mga Pilipino.

“They also demonstrated the potential for us to translate investor confidence into tangible economic gains—not only through increased investments and expanded production, but also through stronger local industries, deeper integration into global value chains, greater technology transfer, and more high-quality employment opportunities for Filipinos,” aniya. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here