Home NATIONWIDE Education vouchers, pinalawak para maging patas tsansa sa dekalidad na edukasyon –...

Education vouchers, pinalawak para maging patas tsansa sa dekalidad na edukasyon – Kiko

1
0

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12327 na nagtatatag ng pinalawak na basic education voucher assistance program na magbibigay ng mas malawak na access sa dekalidad na edukasyon para sa mas maraming estudyanteng Pilipino, habang nakatutulong din na mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan.

Sa pahayag, binigyang diin ni Pangilinan, isa sa ilang co-author ng Senate Bill No. 1981 — bilang consolidated bills —na kailangang makarating ang tulong ng gobyerno sa mga estudyante at pamilyang higit na nangangailangan, lalo na ang mula sa low-income households at disadvantaged communities.

Kabilang dito ang mga kwalipikadong estudyante mula sa 4Ps households, Indigenous Peoples communities, learners with disabilities, at mga nakatira sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).

Ipinaliwanag ng senador na sa ilalim ng pinalawak na voucher program, maaaring makapasok ang mga kwalipikadong estudyante mula sa congested o near-congested na pampublikong paaralan sa mga bakanteng slots sa mga kalahok na pribadong paaralan.

Magbibigay ito sa kanila ng karagdagang opsyon sa pag-aaral, habang nababawasan din ang bilang ng mga estudyanteng nagsisiksikan sa limitadong silid-aralan sa public schools.

“Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan o kakulangan ng silid-aralan para makapag-aral nang maayos ang isang bata. Sa batas na ito, mas mabibigyan natin ng pagkakataon ang mga kwalipikadong mag-aaral na makapasok sa mga paaralang may available na classroom spaces, habang nababawasan din ang siksikan sa ating mga pampublikong paaralan,” ani Pangilinan.

Gayunman, binigyang-diin niya na dapat lamang umalalay ang voucher program at hindi kailanman papalit sa responsibilidad ng gobyerno na mamuhunan sa public education — lalo na sa pagtatayo ng mas maraming silid-aralan, pagpapabuti ng school facilities, at pagtiyak na may sapat na resources ang mga pampublikong paaralan.

“Hindi ito kapalit ng obligasyon ng gobyerno na magtayo ng mas maraming silid-aralan at pagbutihin ang ating mga pampublikong paaralan. Kailangan nating gawin ang pareho. Habang patuloy nating tinutugunan ang classroom shortage, dapat din nating mapakinabangan ang mga available na pasilidad at kapasidad ng mga pribadong paaralan upang mas maraming bata ang makapag-aral,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Pangilinan ang pangmatagalang kahalagahan ng pamumuhunan sa edukasyon, lalo na sa paghubog sa susunod na henerasyon ng mga magsasakang Pilipino, agripreneurs, agricultural scientists, at researchers na magpapatatag sa food security ng bansa.

Ayon sa kanya, ang access sa dekalidad na edukasyon ay magbubukas ng oportunidad para sa mga kabataang Pilipino na tahakin ang karera at inobasyon sa agrikultura — isang sektor na nangangailangan ng bagong henerasyon ng mga bihasa, may kaalaman, at empowered na tao upang mapanatili ang produksyon ng pagkain at suportahan ang mga magsasaka at mangingisda.

“Ang edukasyon ay hindi lamang puhunan para sa kinabukasan ng isang bata. Puhunan din ito para sa kinabukasan ng ating bansa. Kailangan natin ng susunod na henerasyon ng mga magsasaka, agripreneurs, agricultural scientists, at researchers na magpapatatag sa ating sektor ng agrikultura at seguridad sa pagkain,” ani Pangilinan.

“Dapat abot-kamay at praktikal ang dekalidad na edukasyon. Walang batang Pilipino ang dapat mapagkaitan nito dahil lamang sa kahirapan. Karapatan ito na dapat nating pangalagaan at ipaglaban,” dagdag pa niya.

Nanawagan si Pangilinan ng epektibo at patas na implementasyon ng batas upang matiyak na makakarating ang benepisyo sa target na estudyante at komunidad.

“Patuloy nating isusulong ang mga polisiyang nagbibigay ng patas na pagkakataon sa bawat batang Pilipino. Walang mag-aaral ang dapat maiwan,” pagtatapos niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here