Home METRO PhilSA, nagbabala sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa Chinese rocket sa...

PhilSA, nagbabala sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa Chinese rocket sa karagatan ng Pilipinas

1
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang paglulunsad ng Long March 8A rocket ng China nitong Nobyembre 20, na may dalawang inaasahang drop zone ng debris sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) at archipelagic waters ng Pilipinas.

Inilunsad ang rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan, dakong alas-8 ng gabi, oras sa Pilipinas.

Ayon sa PhilSA, ang unang drop zone ay nasa loob ng EEZ ng bansa, humigit-kumulang 98 nautical miles mula sa Patag Island, 128 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc, 143 nautical miles mula sa El Nido, Palawan, at 152 nautical miles mula sa Busuanga, Palawan.

Ang ikalawang drop zone naman ay nasa loob ng archipelagic waters ng Pilipinas. Tinatayang 40 nautical miles ito mula sa Hadji Muhtamad, Basilan; 43 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park; 52 nautical miles mula sa Pangutaran Island, Sulu; at 124 nautical miles mula sa Puerto Princesa, Palawan.

Ipinaliwanag ng PhilSA na inilabas ang impormasyon tungkol sa mga inaasahang lugar ng pagbagsak ng debris sa pamamagitan ng Notice to Airmen o NOTAM. Nagpadala rin ang ahensya ng ulat bago ang paglulunsad sa mga kinauukulang ahensya at awtoridad ng pamahalaan.

Pinayuhan ang publiko na ipagbigay-alam sa mga lokal na awtoridad kung may makitang kahina-hinalang debris.

Nagbabala rin ang PhilSA laban sa pagkuha o paglapit sa mga naturang materyales dahil maaari itong maglaman ng nakalalasong sangkap, kabilang ang rocket fuel. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here