MANILA, Philippines – Target ng kompanya ng bilyonaryong si Elon Musk na maging isa sa mga launch site ng SpaceX ang Pilipinas, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng Pangulo na hindi layunin ng bansa na magkaroon ng sariling space program gaya ng NASA o magpadala ng tao sa buwan o Mars, kundi pasukin ang negosyo ng pagpapagamit ng mga pasilidad para sa paglulunsad ng mga rocket.
Ayon kay Marcos, may bentahe ang lokasyon ng Pilipinas sa kanlurang bahagi ng Pacific Ocean dahil maaaring ilunsad pakanan o pa-silangan ang mga rocket at kung magkaroon ng aberya, mahuhulog ang mga ito sa dagat sa halip na sa mga mataong lugar.
Kinumpirma rin ng Pangulo na nakikipag-usap na ang Pilipinas sa SpaceX.
Aniya, ang planong paglulunsad ng rocket sa Cagayan ay simula ng isang negosyong maaaring makahikayat ng iba pang kumpanya na gumamit ng mga launch site sa bansa.
Dagdag pa niya, makatutulong din ito upang mas mura at mas madaling makapagpadala ng mga satellite ang Pilipinas.
Matatandaang namataan si Musk sa Maynila nitong linggo kasabay ng state visit ni US President Donald Trump.
Ayon naman kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, interesado umano si Musk sa Pilipinas at may isa o dalawang isla siyang pinauunlad sa bansa. RNT/MDS