Home NATIONWIDE Laptop distribution, technology training sinimulan ng DepEd para sa mga guro sa...

Laptop distribution, technology training sinimulan ng DepEd para sa mga guro sa Antipolo

1
0

MANILA, Philippines – Pinagsabay ng Department of Education (DepEd) ang pamamahagi ng laptop at pagsasanay sa paggamit ng teknolohiya para sa mga guro sa pampublikong paaralan.

Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara nitong Biyernes ang paglulunsad ng GuroXL, isang programang nakatuon sa professional development ng mga guro, kasabay ng pamamahagi ng mga laptop sa Ynares Center sa Antipolo City.

Kabuuang 1,441 guro mula sa 62 paaralan sa Antipolo ang tumanggap ng MacBook Neo laptops sa ilalim ng DepEd Computerization Program. Agad din silang sumailalim sa aktuwal na pagsasanay sa paggamit ng mga device.

Ayon kay Angara, bahagi ito ng digitalization program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mabigyan ang mga guro ng mga kagamitang makatutulong sa kanilang trabaho at pagtuturo.

Sa GuroXL sessions, tinuturuan ang mga guro kung paano i-set up at responsableng gamitin ang kanilang mga laptop, gayundin ang mga productivity tools para sa paggawa ng lesson plans at digital learning materials, pamamahala ng mga aktibidad sa klase at pagsubaybay sa pag-unlad ng mga mag-aaral.

Pinangangasiwaan ng National Educators Academy of the Philippines, Information and Communications Technology Service at Bureau of Learning Delivery ang programa. Libre rin sa pamahalaan ang pagsasanay.

Sa kabuuan, nakakuha na ang DepEd ng kontrata para sa 231,725 laptop para sa mga guro, kabilang ang 169,008 MacBook Neo at 62,717 Windows-based laptops. Mayroon ding 3,646 MacBook Neo units para sa mga administrative officer.

Inaasahang magpapatuloy ang paghahatid at pamamahagi ng mga laptop hanggang Marso 2027.

Nagkakahalaga ng humigit-kumulang P43,000 bawat unit ang mga laptop package na nakuha sa pamamagitan ng public bidding. Kasama rito ang limang taong warranty, productivity software, logistics at technical support. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here