MANILA, Philippines – Tututukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang missile system at iba pang weapon capabilities na magpapalakas sa territorial defense nito at mapigilan ang anumang banta kasabay ng presensya ng mga naval vessel ng China sa dagat malapit sa bansa.
Ayon kay AFP chief Gen. Antonio Nafarrete, nakatutok ang militar sa procurement priorities sa “kinetic” capabilities, na tumutukoy sa weapon systems na naka-disenyo para pisikal na atakehin, sirain o magdulot ng pinsala sa target, kabilang ang mga missile, artillery at mga bomba.
“We are now concentrating on our kinetic requirements, basically for territorial defense,” sinabi ni Nafarrete sa sidelines ng opening ceremony ng 10th AFP Joint Exercise Dagat, Langit at Lupa (AJEXDagitpa) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Aniya, ang archipelagic geography ng Pilipinas at presensya ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) Navy vessels sa international sea lines of communication ang dahilan para palakasin ang deterrence capabilities ng militar.
“PLA naval vessels are entering our sea lines of communication. These are international, so we must have that deterrent capability,” ani Nafarrete.
Nang tanungin naman kung kabilang sa kinetic capabilities ang mga missile, kinumpirma ni Nafarrete na ito ay kabilang sa kanilang mga nais para sa depensa.
Kinumpirma rin niya na isinusulong ng militar ang “active defense” approach ngunit hindi partikular na tinukoy ang missile systems.
Kasalukuyang pinapalakas ng bansa ang missile capabilities sa ilalim ng AFP Modernization Program, kabilang ang pagbili ng BrahMos shore-based anti-ship missile systems mula sa India.
Layon ng mga ito na mapalakas ang coastal defense at abilidad ng bansa na pigilan ang anumang banta sa dagat. RNT/JGC