Home METRO Warehouse sa Valenzuela, nasunog

Warehouse sa Valenzuela, nasunog

MANILA, Philippines – Tinupok ng apoy ang warehouse ng mga grocery items at appliances sa Bagbaguin, Valenzuela City nitong Sabado, Agosto 5.

Ayon sa isang trabahador, nakarinig sila ng pagsabog at nakita na lumiliyab na ang ilang bahagi ng kanilang warehouse.

May dalawang nasugatan sa kanilang mga kasamahan nang magtakbuhan palabas.

Ayon sa Valenzuela City Fire Station, umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bandang 7:12 ng gabi.

Dagdag pa, sinikap nilang maiwasan na madamay din sa sunog ang parte ng bodega kung saan nakalagay ang mga alak.

“Kasi mas malaking problema kung mapaabot pa natin sa mga flammable na alcohol. Good thing na na-save iyong area na iyon,” pahayag ni Fire Inspector Danielle Bayla.

Idineklara namang fire under control ang sunog dakong 8:47 ng gabi at idineklarang fire-out bandang 9:58 ng gabi.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga napinsalang ari-arian. RNT/JGC