MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Philippine Anti-Corruption Czar (PACC), isang civil society watchdog, ang natenggang konstruksyon ng Naga City Convention Center sa Barangay Carolina matapos makita sa inspeksyon ang kinakalawang na mga bakal at mga damong tumubo na sa lugar ng proyekto.
Isinagawa ang inspeksyon noong Nobyembre 15 kasunod ng mga reklamong natanggap mula sa mga concerned citizen.
Nakilahok dito ang PACC, mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) Camarines Sur 3rd District Engineering Office.
Ayon kay project engineer Sean Serrano, may ilang materyales na bakal umanong ninakaw sa lugar habang nakasuspinde ang konstruksyon.
Batay sa mga dokumento, ang unang yugto ng proyekto na tinawag na Construction of Multi-Purpose Building Convention Center in Carolina, Naga City ay iginawad sa Centerways Construction and Development Inc. sa halagang P97,901,095 sa ilalim ng Contract ID No. 23FF0102.
Nilagdaan ang kontrata noong Enero 2, 2024 at binigyan ang kontratista ng 365 araw upang matapos ang proyekto. Inilabas naman ng DPWH ang notice to proceed noong Enero 3, 2024, na kinilala ng kinatawan ng kontratista na si Lawrence Lubiano noong Enero 9, 2024.
Sa kabila nito, hindi pa rin natatapos ang pasilidad.
Binanggit din ng PACC ang impormasyon na may nakalaang kabuuang P600 milyon para sa proyekto sa loob ng ilang taon, bukod pa sa P97.9 milyon na kontrata para sa unang yugto nito.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si PACC National Chairman Dr. Louie Ceniza sa kalagayan ng proyekto at sinabing dapat na napapakinabangan ng publiko ang mga pasilidad na pinopondohan ng pera ng bayan.
Ayon kay Ceniza, tumubo na ang mga halaman sa paligid ng mga bakal na estruktura habang mga haligi pa lamang ang tila natatapos sa kabila ng milyun-milyong pisong nagastos.
Kinilala rin ng komisyon ang Centerways Construction and Development Inc. bilang kontratista ng proyekto at binanggit na kabilang ito sa 15 kontratista sa bansa na may pinakamaraming flood control projects.
Patuloy na bineberipika ng PACC ang mga ulat at sinusuri ang mga dokumento ng proyekto. Ayon kay Ceniza, maaari nilang iakyat sa Office of the Ombudsman ang usapin kung makakakita sila ng sapat na batayan para magsampa ng kaso.
Sinisiyasat din ng komisyon ang mga reklamo kaugnay ng mga gumuho na flood control structures at seawalls sa Partido District, gayundin ang Plaza Quezon sa Naga City.
Samantala, itinanggi ni dating Naga City Mayor at ngayo’y 3rd District Representative Nelson Legacion ang mga alegasyon ng korapsyon at iregularidad sa convention center. Iginiit niyang lehitimo ang proyekto at naantala lamang ang pagpapatupad nito dahil sa umano’y pagkakamali ng DPWH sa geotagging ng lokasyon.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Legacion na hinati sa ilang yugto ang konstruksyon. May nakalaang P100 milyon para sa unang yugto na sumaklaw sa excavation, paglalagay ng precast concrete piles at pagtatayo ng footings at steel-reinforced columns.
Ayon sa kanya, nagsimula ang konstruksyon noong Enero 9, 2024 at natapos ang unang yugto noong Abril 7, 2025. May karagdagang P100 milyon namang inilaan para sa ikalawang yugto ngayong 2026.
Ipinaliwanag ni Legacion na naantala ang ikalawang yugto dahil mali umanong naitala ng DPWH ang lokasyon ng proyekto bilang San Jose, Pili, Camarines Sur sa halip na Barangay Carolina, Naga City.
Iginiit niyang hindi siya ang responsable sa pagkakamali at nakikipag-ugnayan na siya sa DPWH upang maitama ito at maipagpatuloy ang konstruksyon.
Dinisenyo ang convention center upang tumanggap ng hanggang 5,000 katao at magsilbing lugar para sa mga convention, exhibition, trade fair at iba pang malalaking pagtitipon. Inaasahan din itong makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya, turismo at oportunidad sa trabaho sa lungsod.
Itinatayo ang pasilidad sa isang 30,000-square-meter na lupain sa Barangay Carolina na ipinagkaloob sa lungsod ng mag-asawang Emeterio at Marilyn Aman. Pormal ang donasyon sa pamamagitan ng deed na nilagdaan noong Pebrero 10, 2020 at pinahintulutan ng Sangguniang Panlungsod Resolution No. 2020-062.
Nakasaad sa kasunduan na dapat maisakatuparan ang operasyon ng pasilidad, hangga’t maaari, sa loob ng limang taon mula nang tanggapin ng lungsod ang donasyon. Gayunman, hindi pa ito natutupad hanggang ngayon.
Hindi rin maaaring ibenta, isanla o gamitin lamang sa komersiyal na layunin ang nasabing lupa. Maaari itong bawiin ng mga donor o kanilang mga tagapagmana kapag nagkaroon ng malaking paglabag sa mga kondisyon ng donasyon.
Samantala, nilinaw ni Naga City Mayor Leni Robredo na hindi proyekto ng kanyang administrasyon ang convention center na iniimbestigahan ng PACC dahil hindi pa siya alkalde nang simulan ang konstruksyon nito. RNT/JGC