MANILA, Philippines – Binaril-patay ang isang 22-anyos na glass installer sa lamay mismo ng sariling ama sa Barangay 92, Apitong, Tacloban City noong Biyernes, Nobyembre 20.
Kinilala ang biktima sa alyas na Jason, na idineklarang patay 5:49 ng umaga sa Tacloban City Hospital, o ilang oras matapos ang shooting incident.
Natukoy naman ang suspek na si alyas Garry, 26, residente ng Tacloban City na naaresto sa follow-up investigation at panayam sa mga witness sa lugar.
Nakita sa inisyal na imbestigasyon na nagsasagawa ng lamay ang pamilya ng biktima dahil sa yumaong ama nang bigla na lamang magkaroon ng sunog sa likod na bahagi ng bahay ng mga ito.
Sinubukang apulahin ng mga miyembro ng pamilya at dumalaw sa lamay ang sunog saka naman narinig ang dalawang putok ng baril.
Dito na nakita ang biktima na humandusay sa lupa kasabay ng pagtakas ng suspek.
Agad na tumugon ang mga tauhan ng Police Station 1 ng Tacloban City Police Office sa insidente.
Dinala naman sa presinto ang naarestong suspek at iniimbestigahan pa. Hindi pa ibinabahagi ng pulisya ang motibo sa pamamaril. RNT/JGC