Home NATIONWIDE PH-US trade deal, ipinasisilip ng solon, grupo ng magsasaka

PH-US trade deal, ipinasisilip ng solon, grupo ng magsasaka

2
0

MANILA, Philippines – Hiniling ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na isapubliko ang mga detalye ng trade arrangements sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos dahil sa pangambang maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Kasunod ito ng pahayag ni US President Donald Trump na pumayag umano ang Pilipinas na kunin sa Amerika ang 100% ng mga inaangkat nitong produktong agrikultural at enerhiya simula Enero 1, 2027.

Iginiit ni Tinio na karapatan ng publiko na malaman ang aktuwal na nilalaman ng mga pinag-uusapang kasunduan.

Nangangamba ang mambabatas na maaaring mas lalong umasa ang Pilipinas sa mga imported na produkto sa halip na palakasin ang sariling produksyon ng pagkain at enerhiya.

Nagbabala rin ang KMP na posibleng magdulot ng hindi patas na kompetisyon ang pagdagsa ng mga produktong agrikultural mula sa US.

Ayon sa grupo, maaaring bumaba ang farmgate prices o presyong natatanggap ng mga magsasaka sa kanilang ani, na posibleng magpahina sa lokal na produksyon.

Sa halip na dagdagan ang pag-aangkat, nanawagan ang KMP ng mas malaking subsidiya sa agrikultura, libreng irigasyon, post-harvest facilities at makatarungang presyo ng mga produktong sakahan.

Samantala, batay sa opisyal na fact sheet ng White House noong Nobyembre 18, napagkasunduan ng dalawang bansa na dagdagan ang pag-angkat ng Pilipinas ng American agricultural at energy products upang mabawasan ang trade deficit ng US.

Walang nakasaad sa dokumento na obligado ang Pilipinas na kunin sa Amerika ang lahat ng inaangkat nitong pagkain at enerhiya.

Nauna nang nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa pinal ang mga detalye ng trade arrangements at layunin lamang ng pamahalaan na magkaroon ng mas maraming mapagkukunan ng pagkain at enerhiya sa mas murang presyo.

Tiniyak naman ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi dapat magkaroon ng masamang epekto sa sariling produkto ng bansa ang anumang kasunduang papasukin ng administrasyon.

Nananatiling hinihintay ang kumpletong detalye ng mga pinag-uusapang trade arrangements upang matukoy ang posibleng epekto ng mga ito sa lokal na agrikultura at presyo ng mga bilihin. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here