MANILA, Philippines – Patay si dating United Movement Against Drugs party-list Rep. Teodoro Lim matapos pagsasaksakin umano ng isang lalaki sa loob ng kanyang sasakyan sa parking lot ng isang mall sa Antipolo City, Rizal.
Nangyari ang insidente dakong alas-2 ng hapon noong Nobyembre 17.
Batay sa CCTV footage, nakita si Lim na pumasok sa kanyang sasakyan bago sinundan ng isang lalaki makalipas ang ilang segundo.
Hindi nakuhanan ng CCTV ang aktuwal na pananaksak, ngunit ayon sa Antipolo City Police, ilang ulit umanong sinaksak ng suspek ang dating mambabatas sa loob ng sasakyan.
Naoperahan pa si Lim ngunit pumanaw din noong Martes ng gabi.
Kinilala naman ang suspek sa alyas na “Boyet,” na naaresto ng mga awtoridad sa isang bahay sa Angono, Rizal.
Narekober umano mula sa suspek ang pitaka at cellphone ni Lim, gayundin ang mga damit na may bahid ng dugo na pinaniniwalaang ginamit nito noong insidente.
Sa salaysay ng suspek, humingi umano siya ng barya kay Lim ngunit nagkaroon ng alitan matapos umano siyang matamaan ng pinto ng sasakyan.
Sinabi naman ng pamilya ni Lim na wala silang alam na kaaway ng dating kongresista at determinado silang magsampa ng kaso laban sa suspek.
Ayon sa pulisya, posibleng maharap ang suspek sa kasong homicide o robbery with homicide, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.
Nagsilbi si Lim bilang kinatawan ng United Movement Against Drugs party-list sa 14th Congress mula 2009 hanggang 2010. Mary Anne Sapico