MANILA, Philippines – Nakatakdang buksan sa unang linggo ng Disyembre ang huling dalawang bahagi ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at ang koneksiyon nito sa CAVITEX na inaasahang magpapabilis sa biyahe ng mga motorista sa Cavite, Laguna at Metro Manila.
Kabilang sa mga bubuksan ang CALAX Subsection 1 na mag-uugnay sa Centennial Road sa Kawit hanggang Open Canal Interchange sa Imus City, Cavite, at Subsection 2 na magdurugtong naman sa Open Canal Interchange hanggang Governor’s Drive Interchange sa General Trias City.
Sasabay ding bubuksan ang 1.2-kilometrong CAVITEX-CALAX Link (CCLink) na direktang mag-uugnay sa dalawang expressway.
Batay sa project briefing ng Metro Pacific Tollways South (MPT South), may habang 7.22 kilometro ang Subsection 1 na inaasahang magpapababa sa biyahe mula Kawit hanggang Imus sa walong minuto mula sa dating 25 minuto.
Samantala, ang 10.53-kilometrong Subsection 2 ay inaasahang magpapababa sa biyahe mula Imus hanggang General Trias sa 11 minuto mula sa dating 20 minuto.
Isinagawa noong Nobyembre 21 ang media tour sa mga bahagi ng proyekto na pinangunahan ni MPT South President and General Manager Andrew Pangilinan.
Binigyang-diin ni Pangilinan ang kahalagahan ng suporta ng mga stakeholder at pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko hinggil sa mga bagong rutang maaaring gamitin ng mga motorista at negosyante.
Kapag nakumpleto, aabot sa 45 kilometro ang pangunahing alignment ng CALAX na magdurugtong sa Cavite at Laguna at magbibigay ng alternatibong ruta sa mga motorista.
Gayunman, nakadepende pa sa pinal na pahintulot ng pamahalaan ang aktuwal na pagbubukas ng mga bagong bahagi ng expressway, ayon sa MPT South.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapabilis ng biyahe, pagpapaluwag ng trapiko at pagpapahusay ng koneksiyon sa mga sentrong pangnegosyo sa Southern Luzon.