Home NATIONWIDE MARINA sinuspinde safety certificate ng Ocean Jet 168 matapos masunog

MARINA sinuspinde safety certificate ng Ocean Jet 168 matapos masunog

1
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng MV Ocean Jet 168 matapos masunog ang engine room nito habang bumibiyahe mula Cebu City patungong Ormoc City, Leyte, nitong Linggo, Nobyembre 22.

Ayon sa MARINA, nasa 326 na pasahero ang sakay ng barko nang sumiklab ang sunog bandang alas-10:40 ng umaga sa karagatan malapit sa Danao, Cebu.

Naapula ang apoy at walang naiulat na nasawi sa insidente.

Agad namang nagpadala ang operator na Ocean Fast Ferries Inc. ng MV Ocean Jet 88 upang tumulong sa apektadong barko at mailipat nang ligtas ang mga pasahero pabalik sa Cebu City.

Nagpadala rin ng mga tauhan ang MARINA Regional Office VII upang subaybayan ang sitwasyon at makipag-ugnayan sa mga ahensyang tumutugon sa insidente.

Mananatiling suspendido ang safety certificate ng MV Ocean Jet 168 hanggang mapatunayan ang pagsunod nito sa lahat ng itinakdang safety requirements at makapasa sa kinakailangang survey o inspeksyon.

Magsasagawa rin ang MARINA ng imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog at kung may naganap na paglabag sa umiiral na maritime safety regulations.

Hindi ito ang unang pagkakataong sinuspinde ng MARINA ang safety certificate ng isang OceanJet vessel ngayong Nobyembre. Noong Nobyembre 1, sinuspinde rin ng ahensya ang safety certificate ng MV Ocean Jet 788 matapos makaranas ng electrical failure habang dumadaong sa Port of Tagbilaran sa Bohol noong Oktubre 31.

Binigyang-diin ng MARINA na hindi papayagang magbalik-operasyon ang MV Ocean Jet 168 hangga’t hindi natutugunan ang lahat ng pamantayan sa kaligtasan ng mga pasahero at tripulante. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here