MANILA, Philippines – Patay ang isang 45-anyos na construction worker matapos umanong bugbugin ng kanyang katrabaho dahil sa hindi pagkakaunawaan sa ₱200 na sukli sa Taytay, Rizal.
Nangyari ang insidente dakong alas-8 ng gabi noong Sabado, Nobyembre 21, sa loob ng kanilang barracks sa Barangay Sta. Ana.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nag-iinuman ang dalawa nang kuwestiyunin ng biktima ang kanyang sukli, na nauwi umano sa pagtatalo at pambubugbog.
Sinabi ni Taytay Police Chief Lt. Col. Joel Custodio na posibleng nakaimpluwensya ang sobrang pagkalasing sa nangyaring alitan.
Dead on the spot ang biktima matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Agad namang naharang ng mga security guard ng subdivision ang suspek, na kalaunan ay dinala sa Taytay Municipal Police Station.
Ayon sa ulat, inamin umano ng suspek ang pananakit sa kanyang katrabaho.
Ikinuwento rin ng suspek na dati na silang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan matapos siyang pagbintangang may relasyon sa live-in partner ng biktima, na kanyang itinanggi.
Nananatiling nakakulong ang suspek sa Taytay Municipal Police Station at nakatakdang maharap sa reklamong homicide. Mary Anne Sapico