Home METRO Vietnamese nagpanggap na Pinay gamit PH passport, timbog sa NAIA

Vietnamese nagpanggap na Pinay gamit PH passport, timbog sa NAIA

8
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 41-anyos na Vietnamese national matapos umanong magpanggap bilang Pilipina gamit ang isang tunay na Philippine passport sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang babae na si Huỳnh Thị Loan, na naharang noong Nobyembre 19 habang pasakay sana sa Vietjet flight patungong Ho Chi Minh City, Vietnam.

Ayon sa BI, ginamit ng babae ang Philippine passport na nakapangalan kay Mary Ann Altarejos Antolin.

Sa isinagawang secondary inspection, naghinala ang mga immigration officer matapos umanong hindi makapagsalita o makaunawa ng Tagalog ang babae at mabigong magbigay ng mga pangunahing impormasyon tungkol sa kanyang sinasabing pagkakakilanlan bilang Pilipina.

Bagama’t nakumpirmang tunay ang pasaporte, lumitaw sa karagdagang beripikasyon ng BI na si Huỳnh ay isang Vietnamese national na ipinanganak sa Vietnam sa mga magulang na kapwa Vietnamese.

Dahil dito, iniutos ng BI Intelligence Division ang kanyang pag-aresto dahil sa umano’y misrepresentation at impersonation.

Iniuugnay ng BI ang kaso sa tinatawag nitong “Phantom Citizenship” scheme, kung saan gumagamit umano ang mga dayuhan ng pekeng pagkakakilanlang Pilipino upang makakuha ng mga dokumento at pribilehiyong nakalaan sa mga mamamayan ng bansa.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado na pananagutin ang mga indibidwal at sindikatong sangkot sa ganitong uri ng panloloko.

Kasalukuyang nakadetine si Huỳnh sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa kanya. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here