MANILA, Philippines – Nananatiling pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Batay sa survey, 42% ng mga respondent ang nagsabing dapat unahin ng pamahalaan ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Mas mataas ito ng limang percentage points kumpara sa 37% na naitala noong Hulyo 2026.
Pumangalawa naman ang panawagan para sa mas mataas na sahod ng mga manggagawa na may 35%, habang 29% ang pumili sa paglaban sa korapsyon sa pamahalaan bilang isa sa mga pangunahing isyung dapat tugunan.
Kapwa nakakuha ng 20% ang pagbibigay ng libreng de-kalidad na edukasyon at pagkakaroon ng abot-kayang pagkain, kabilang ang bigas, gulay at karne.
Samantala, 16% ang nagpahayag ng pangangailangang tugunan ang kahirapan, habang 15% ang nais na bigyang-prayoridad ang paglikha ng mas maraming trabaho.
Ayon sa OCTA Research, nanatili sa tatlong pangunahing pambansang alalahanin ang korapsyon sa ikatlong sunod na survey. Kabilang din ito sa limang nangungunang isyu sa bawat survey mula Setyembre 2025.
Isinagawa ang survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pilipinong edad 18 pataas sa buong bansa.
Mayroon itong ±3 percentage points na margin of error sa 95% confidence level. Dave Medina