MANILA, Philippines – Magpupulong ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at National Council on Disability Affairs (NCDA) upang talakayin ang reklamo kaugnay ng umano’y panggagaya ng ilang housemates sa paraan ng pagsasalita ng mga persons with disabilities (PWDs) sa Pinoy Big Brother (PBB): Collab 3.0.
Nakatakda ang pagpupulong ngayong Martes, Nobyembre 24, kasunod ng liham ng NCDA sa MTRCB at production team ng programa na humihiling ng mas responsableng pagtrato at representasyon sa mga PWD sa telebisyon at digital platforms.
Ayon kay MTRCB Chairperson at Chief Executive Officer Lala Sotto, nakatanggap din ang ahensya ng mahigit 2,100 reklamo laban sa programa sa nakalipas na dalawang linggo.
Dumalo sa pulong sina NCDA Executive Director Glenda Relova at Jayme Mariño, hepe ng Information, Education and Communication Division ng konseho.
Sinabi ni Sotto na nakikiisa ang MTRCB sa NCDA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagsusulong ng disability sensitivity, dignidad ng tao at responsableng paggawa ng palabas.
Nauna nang hiniling ng NCDA sa production team ng PBB na higpitan ang editorial review sa mga hindi scripted na eksena bago ipalabas o i-upload sa digital platforms.
Iminungkahi rin ng konseho ang pagsasagawa ng disability sensitivity orientation para sa production crews, creative writers at talents upang maiwasan ang mga eksenang maaaring magpalaganap ng diskriminasyon at maling pagtingin sa mga PWD.
Sinuportahan naman ng DSWD ang panawagan ng NCDA at iginiit na hindi dapat gawing katatawanan o panggagaya ang kapansanan ng isang tao para lamang sa entertainment.
Binanggit din ng NCDA ang Republic Act 7277 o Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng RA 9442, na nagbabawal sa pampublikong pangungutya, panghahamak at paghamak sa mga taong may kapansanan. Dave Medina